Add parallel Print Page Options

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y isang dakilang tao, 10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas sa lipunan, “Ang lalaking ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila,” sabi nila. 11 Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. 12 Ngunit nang sumampalataya sila nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, nagpabautismo ang mga lalaki't babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16 sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.

18 Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19 “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya.

20 Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. 22 Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, 23 dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.”

24 Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”

25 Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(B) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
    tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
    At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
    Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
    sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][b]

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Ang Pagtawag kay Saulo(C)

Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.[c]

Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”

“Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.

“Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”

Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom.

10 Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”

“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.

11 Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. 12 [Sa isang pangitain],[d] nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”

13 Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. 14 At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”

15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”

17 Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” 18 Noon(D) di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. 19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.

Nangaral si Saulo sa Damasco

Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. 20 At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. 21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”

22 Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.

23 Pagkaraan(E) ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. 24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. 25 Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader.

Si Saulo sa Jerusalem

26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. 27 Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus. 28 Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. 30 Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.

31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila.

Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa

32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”

At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.

36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[e]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.

Ang Pangitain ni Pedro

10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”

Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”

Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”

Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan,(F) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[f] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”

15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.

17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.

Ang Kahulugan ng Pangitain

18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[g] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”

21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”

27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”

30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[h] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.

31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[i]

Nangaral si Pedro

34 At(G) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[j]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil

44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.

Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.

“Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.

11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[k] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’

15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(H) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”

18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[l] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.

22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.

25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.

27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo(I) ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.

Panibagong Pag-uusig

12 Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes[m] ang ilang kaanib ng iglesya. Ipinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip(J) kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.

Pinalaya ng Anghel si Pedro

Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”

Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.

11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”

12 Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.

15 “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” 16 Samantala, patuloy na kumakatok si Pedro.

Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. 17 Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar.

18 Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay.

Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal(K) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.

24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.

25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[n] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Footnotes

  1. Mga Gawa 8:5 sa lungsod: Sa ibang manuskrito'y sa isang lungsod .
  2. Mga Gawa 8:37 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 37.
  3. Mga Gawa 9:2 KAANIB SA DAAN NG PANGINOON: Sa Aklat ng mga Gawa, ang kahulugan nito'y ang maging tagasunod ni Jesu-Cristo .
  4. Mga Gawa 9:12 Sa isang pangitain: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
  5. Mga Gawa 9:36 DORCAS: Na ang kahulugan ay “usa”.
  6. Mga Gawa 10:9 BUBUNGAN: Ang bubungan ng mga bahay ng panahong iyon ay kadalasang patag.
  7. Mga Gawa 10:19 tatlong: Sa ibang manuskrito'y dalawang .
  8. Mga Gawa 10:30 nananalangin: Sa ibang manuskrito'y nag-aayuno at nananalangin .
  9. Mga Gawa 10:33 Panginoon: Sa ibang manuskrito'y Diyos .
  10. Mga Gawa 10:39 ipinako sa krus: Sa Griego ay ibinitin sa puno .
  11. Mga Gawa 11:11 ko: Sa ibang manuskrito'y namin .
  12. Mga Gawa 11:20 Griego: Sa ibang matatandang manuskrito'y Helenista .
  13. Mga Gawa 12:1 HARING HERODES: Si Herod Agripa I, pinuno ng buong Palestina.
  14. Mga Gawa 12:25 sa Jerusalem: Sa ibang manuskrito'y mula sa Jerusalem at sa iba pang mga manuskrito'y mula sa Jerusalem patungong Antioquia .