Mga Gawa 10:1-11:18
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pangitain ni Pedro
10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. 2 Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. 3 Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”
4 Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”
Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. 5 Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. 6 Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”
7 Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8 Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.
9 Kinabukasan,(A) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[a] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”
14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”
15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.
17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.
Ang Kahulugan ng Pangitain
18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[b] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”
21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”
22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”
27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[c] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[d]”
Nangaral si Pedro
34 At(B) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.
39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[e]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil
44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[f] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(C) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”
Footnotes
- 9 BUBUNGAN: Ang bubungan ng mga bahay ng panahong iyon ay kadalasang patag.
- 19 tatlong: Sa ibang manuskrito'y dalawang .
- 30 nananalangin: Sa ibang manuskrito'y nag-aayuno at nananalangin .
- 33 Panginoon: Sa ibang manuskrito'y Diyos .
- 39 ipinako sa krus: Sa Griego ay ibinitin sa puno .
- 11 ko: Sa ibang manuskrito'y namin .