2 Samuel 7:2-17
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
2 Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”
3 Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” 4 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 5 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? 6 Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. 7 Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ 8 Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. 9 Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(A) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(B) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(C) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.
Read full chapter
2 Samuel 7:12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
12 Pagkamatay(A) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian.
Read full chapter
1 Mga Hari 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si David nang Matanda na
1 Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. 2 Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” 3 At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. 4 Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.
Binalak ni Adonias na Maging Hari
5 Samantala,(A) ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. 6 Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. 7 Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. 8 Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.
9 Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. 10 Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.
11 Kaya(B) kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? 12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: 13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? 14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”
15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. 18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. 19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. 20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. 21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”
22 Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. 23 May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.
Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, 24 at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? 25 Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. 27 Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”
28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel[a] na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”
31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.
32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”
36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”
38 Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. 39 Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.
41 Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” 42 Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”
43 Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. 44 Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. 45 Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. 46 At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. 47 Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, 48 at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’”
49 Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.
51 May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”
Sumagot si Solomon, 52 “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” 53 Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”
Read full chapterFootnotes
- 29 Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel: o kaya'y Hangga't si Yahweh, ang Diyos ng Israel na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway ay nabubuhay .
1 Cronica 17
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Mensahe ni Natan kay David(A)
17 Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.”
2 Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”
3 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 4 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. 5 Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. 6 Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. 7 Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. 8 Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. 9 Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, 10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. 11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. 12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. 13 Ako'y(B) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. 14 Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’”
15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain.
Ang Panalangin ni David(C)
16 Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. 17 Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. 18 Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! 19 Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. 20 Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. 21 Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. 22 Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila.
23 “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. 24 Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. 25 Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. 26 Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. 27 Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.”
Read full chapter