2 Mga Hari 1-2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel
1 Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. 2 Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.
3 Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. 4 Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.
5 Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”
6 Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”
7 “Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.
8 “Mabalahibo(A) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.
“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.
9 Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”
10 Sumagot(B) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.
11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”
12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.
13 Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. 14 Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.”
15 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. 16 Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’”
17 Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram[a] na kanyang kapatid[b] ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat.
18 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy
2 Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. 2 Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”
Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[c] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.
3 Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”
“Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya.
4 Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.”
Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico.
5 Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?”
“Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya.
6 Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”
Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[e] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. 7 Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. 8 Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.
9 Pagkatawid(C) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”
Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”
10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.
12 Kitang-kita(D) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.
Pinalitan ni Eliseo si Elias
Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.
15 Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. 16 Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu[f] ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.”
Sinabi niyang huwag na. 17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu.
Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. 18 Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?”
Ginawang Dalisay ni Eliseo ang Tubig sa Jerico
19 Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.”
20 Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. 21 Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. 22 Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.
23 Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” 24 Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya.
25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria.
Footnotes
- 17 Joram: Sa tekstong Hebreo ay Jehoram , na isang paraan ng pagbaybay sa pangalang ito.
- 17 na kanyang kapatid: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- 2 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 4 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 6 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 16 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan, o hangin .