2 Cronica 9
Magandang Balita Biblia
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)
9 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. 2 Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. 3 Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. 4 Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.
5 Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 6 Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. 7 Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. 8 Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” 9 At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.
Ang Kayamanan ni Solomon(C)
13 Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14 Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15 Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18 Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19 Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20 Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21 May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.[a]
22 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23 Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24 Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25 Si(D) Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26 Sakop(E) niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27 Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28 Ang(F) mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(G)
29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.
Footnotes
- 2 Cronica 9:21 pabo real: o kaya'y unggoy .
2 Cronica 9
Ang Biblia (1978)
Ang reina sa Seba ay dumalaw.
9 At nang mabalitaan ng (A)reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon, siya'y naparoon upang subukin si Salomon, sa mga mahirap na tanong sa Jerusalem, na may maraming kaakbay, at mga kamelyo na may pasang mga espesia, at ginto na sagana, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon, kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.
2 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat niyang tanong: at walang bagay na nalingid kay Salomon na hindi niya isinaysay sa kaniya.
3 At nang makita ng reina sa Seba ang karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo.
4 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapaglingkod, at ang kanilang mga pananamit, gayon din ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit; at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon: nawalan siya ng loob.
5 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.
6 Gayon ma'y hindi ko pinaniwalaan ang kanilang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasaysay sa akin: ikaw ay humigit sa kabantugan na aking narinig.
7 Mapapalad ang iyong mga tao, at mapapalad itong iyong mga lingkod, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nangakakarinig ng iyong karunungan.
8 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, na inilagay ka sa kaniyang luklukan, upang maging hari na ukol sa Panginoon mong Dios: sapagka't minamahal ng iyong Dios ang Israel, upang itatag magpakailan man, kaya't ginawa ka niyang hari sa kanila, upang magsagawa ng kahatulan at ng katuwiran.
9 At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawangpung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato: ni nagkaroon pa man ng gayong espesia na gaya ng ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.
10 At ang mga bataan naman ni Hiram, at ang mga bataan ni Salomon, na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, (B)nagsipagdala ng mga kahoy na algum at mga mahalagang bato.
11 At ginawang mga hagdanan ng hari ang mga kahoy na algum sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at mga alpa, at mga salterio na ukol sa mga mangaawit: at wala nang nakita pang gaya niyaon sa lupain ng Juda.
12 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang nasa, anomang hiningi niya, bukod sa timbang ng (C)kaniyang dinala sa hari. Sa gayo'y siya'y bumalik, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya at ang kaniyang mga lingkod.
Ang kayamanan at kapangyarihan ni Salomon.
13 (D)Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,
14 Bukod doon sa dinala ng mga manglalako at mga mangangalakal; at ang lahat na hari sa Arabia at ang mga tagapamahala sa lupain ay nagsipagdala ng ginto at pilak kay Salomon.
15 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklo na pinukpok na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.
16 At siya'y gumawa ng (E)tatlong daang kalasag na pinukpok na ginto; tatlong daang siklo na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at inilagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.
17 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng taganas na (F)ginto.
18 At may anim na baytang sa luklukan, at isang gintong tungtungan, na mga nakakapit sa luklukan, at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.
19 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.
20 At ang lahat na sisidlang inuman ni Salomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto; ang pilak ay hindi mahalaga sa mga kaarawan ni Salomon.
21 Sapagka't ang hari ay may mga sasakyan na nagsisiparoon sa Tharsis na kasama ng mga bataan ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat ng Tharsis, na nagsisipagdala ng ginto, at pilak, garing, at mga ungoy, at mga pabo real.
22 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humihigit sa lahat ng hari sa lupa, sa kayamanan at sa karunungan.
23 At hinanap ng lahat na hari sa lupa ang harapan ni Salomon, upang magsipakinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.
24 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, isang takdang kayamanan sa taon-taon.
25 (G)At si Salomon ay may (H)apat na libong silungan ng kabayo at mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang mga inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.
26 (I)At siya'y nagpuno sa lahat ng mga hari mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at sa hangganan ng Egipto.
27 (J)At ginawa ng hari na maging parang mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro ay ginawa niyang maging parang mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa, dahil sa kasaganaan.
28 At sila'y nagsipagdala ng mga kabayo kay Salomon mula sa Egipto, at mula sa lahat ng mga lupain.
Ang kamatayan ni Salomon.
29 Ang iba nga sa (K)mga gawa ni Salomon, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni (L)Nathan na propeta, at sa (M)panghuhula ni (N)Ahias na Silonita, at sa mga pangitain ni (O)Iddo na (P)tagakita tungkol kay Jeroboam na anak ni Nabat?
30 At si Salomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel na apat na pung taon.
31 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at siya'y nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978