2 Paralipomeno 6
Ang Dating Biblia (1905)
6 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman,
2 Nguni't ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.
3 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.
4 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,
5 Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:
6 Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.
7 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
8 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;
9 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.
10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
11 At doo'y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.
12 At siya'y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay:
13 (Sapagka't gumawa si Salomon ng isang tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao'y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:)
14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:
15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.
17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.
18 Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!
19 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:
20 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.
22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:
25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.
26 Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:
27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;
29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa't tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka't ikaw, sa makatuwid baga'y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao;)
31 Upang sila'y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila'y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
32 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila'y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:
33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.
36 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
37 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;
38 Kung sila'y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.
41 Ngayon nga'y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.
42 Oh Panginoon, Dios, huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.
2 Cronica 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
6 At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap. 2 Nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
Ang Mensahe ni Solomon sa mga Mamamayan ng Israel(A)
3 At humarap si Haring Solomon sa buong kapulungan ng Israel na nakatayo roon at silaʼy binasbasan. 4 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sapagkat sinabi niya, 5 ‘Mula nang araw na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo sa pagpaparangal sa akin, at hindi rin ako pumili ng haring mamamahala sa mga mamamayan kong Israelita. 6 Ngunit ngayon, pinili ko ang Jerusalem para doon pararangalan ang aking pangalan, at pinili ko si David para mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
7 “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 8 Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 9 Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
10 “Tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa pangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 11 Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mamamayan ng Israel.”
Ang Panalangin ni Solomon para sa Mamamayang Israel(B)
12 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay. 13 Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay. 14 Nanalangin siya,
“O Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad nʼyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na sumusunod sa inyo ng buong puso. 15 Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito. 16 At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’ 17 Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.
18 “Ngunit makakatira nga po ba kayo, O Dios, sa mundo kasama ng mga tao? Hindi nga kayo magkakasya kahit sa pinakamataas na langit, ano pa kaya kung sa templo na ipinatayo ko? 19 Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya. 20 Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong kayoʼy pararangalan. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin sa harap ng altar na ito. 21 Pakinggan nʼyo po ang mga kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.
22 “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya, 23 dinggin nʼyo po ito riyan sa langit at hatulan ang inyong mga lingkod – ang nagbintang at ang pinagbintangan. Parusahan nʼyo po ang nagkasala ayon sa kanyang ginawa at palayain ang walang sala para mahayag na inosente siya.
24 “Kung ang mga mamamayan nʼyong Israelita ay matalo ng mga kalaban nila dahil nagkasala sila sa inyo at kung manumbalik sila at magpuri sa inyo at manalangin sa templong ito, 25 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo sila sa kanilang kasalanan at dalhin ninyo sila pabalik sa lupaing ibinigay ninyo sa kanila at sa mga ninuno nila.
26 “Kung hindi nʼyo pauulanin, dahil nagkasala ang inyong mga mamamayan sa inyo, at kung manalangin po silang nakaharap sa templong ito at magpuri sa inyo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan dahil pinarusahan nʼyo sila, 27 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo po sila na inyong mga lingkod, ang inyong mga mamamayang Israelita. Turuan nʼyo po sila ng matuwid na pamumuhay, at padalhan ng ulan ang lupain na inyong ibinigay sa kanila bilang pag-aari.
28 “Kung may dumating pong taggutom sa lupain ng inyong mga mamamayan, o salot, o malanta ang mga tanim, o peste sa mga tanim gaya ng mga balang at mga uod, o palibutan ng mga kalaban ang alinman sa kanilang mga lungsod, o sumapit man sa kanila ang kahit anong karamdaman, 29 at kung mayroon po sa kanila na mananalangin o hihiling sa inyo, dinggin nʼyo po sila. Kung kinikilala po nilang dahil sa kanilang mga kasalanan dumating ang mga pagtitiis at sakuna sa kanila, at manalangin po sila ng nakataas ang kanilang mga kamay, na nakaharap sa templong ito, 30 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. Patawarin nʼyo po sila at gawin sa bawat isa ang nararapat sa kanilang mga ginawa, dahil alam nʼyo po ang bawat puso nila. Tunay na tanging kayo lamang po ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. 31 Gawin nʼyo po ito para gumalang sila sa inyo at sumunod sa inyong pamamaraan habang nakatira sila sa lupaing ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno.
32 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 33 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
34 “Kung ang inyo pong mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 35 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.
36 “Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar, 37 at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’ 38 dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo ng buong pusoʼt isipan, doon sa lugar na pinagbihagan sa kanila, at manalangin po sila na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na pinili po ninyo, at sa templong aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 39 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan laban sa inyo.
40 “O aking Dios, sagutin nʼyo po sana ang mga dalangin na ginawa sa lugar na ito.
41 “Ngayon, Panginoong Dios, pumunta na po kayo sa templo nʼyo kasama ng Kahon ng Kasunduan na simbolo ng inyong kapangyarihan. Sanaʼy lagi pong magtagumpay ang inyong mga pari at magsaya ang mga mamamayan ninyo sa inyong kabutihan. 42 O Panginoong Dios, huwag nʼyo pong itakwil ang pinili nʼyong hari. Alalahanin nʼyo po ang inyong ipinangako kay David na inyong lingkod na iibigin siyang lubos.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®