Add parallel Print Page Options

Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(A)

10 Si Rehoboam ay pumunta sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay pumunta sa Shekem upang gawin siyang hari.

Nang ito ay mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto, na doon siya tumakas mula kay Haring Solomon), si Jeroboam ay bumalik mula sa Ehipto.

Sila'y nagsugo at ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong Israel ay dumating at sinabi nila kay Rehoboam,

“Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin. Ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod ng iyong ama at ang kanyang mabigat na pasanin sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

Sinabi niya sa kanila, “Pumarito kayong muli sa akin pagkalipas ng tatlong araw.” Kaya't ang taong-bayan ay umalis.

Pagkatapos si Haring Rehoboam ay sumangguni sa matatanda na tumayo sa harapan ni Solomon na kanyang ama noong siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Ano ang maipapayo ninyo sa akin sa pagsagot ko sa bayang ito?”

Sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging mabait sa bayang ito, bibigyan sila ng kasiyahan, at magsasalita ka ng mabubuting salita sa kanila, sila ay magiging lingkod mo magpakailanman.”

Ngunit tinalikuran niya ang payong ibinigay sa kanya ng matatanda at sumangguni siya sa mga kabataang lumaking kasama niya at nakatayo sa harapan niya.

Sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong maipapayo upang ating masagot ang bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin?’”

10 Sinabi sa kanya ng mga kabataang lumaking kasama niya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin; ngayon ay pagaanin mo para sa amin;’ ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay higit na makapal kaysa mga balakang ng aking ama.

11 Ngayon, yamang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”

12 Kaya't si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam nang ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Muli kayong bumalik sa akin sa ikatlong araw.”

13 Mabagsik silang sinagot ng hari at tinalikuran ni Haring Rehoboam ang payo ng matatanda.

14 Si Haring Rehoboam ay nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan, na sinasabi, “Pinabigat ng aking ama ang pasanin ninyo, ngunit aking dadagdagan pa. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”

15 Sa gayo'y hindi nakinig ang hari sa taong-bayan; sapagkat iyon ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ng Diyos upang matupad ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita.

16 Nang(B) makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sumagot ang bayan sa hari, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bawat isa sa inyong tolda, O Israel! Tumingin ka ngayon sa sarili mong bahay, David.” Kaya't ang buong Israel ay humayo sa kani-kanilang tolda.

17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na nakatira sa mga lunsod ng Juda.

18 Nang suguin ni Haring Rehoboam si Hadoram, na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, ay pinagbabato siya ng mga anak ni Israel hanggang sa mamatay. At si Haring Rehoboam ay dali-daling sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.

19 Sa gayon ang Israel ay naghimagsik laban sa sambahayan ni David hanggang sa araw na ito.

10 At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka't ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.

At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka't siya'y nasa Egipto, na siya niyang tinakasan mula sa harap ng haring Salomon,) na si Jeroboam ay bumalik mula sa Egipto.

At sila'y nangagsugo at ipinatawag nila siya; at si Jeroboam at ang buong Israel ay nagsiparoon, at sila'y nagsipagsalita kay Roboam, na nagsisipagsabi,

Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay magsisipaglingkod sa iyo.

At sinabi niya sa kanila, Magsiparito uli kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw. At ang bayan ay yumaon.

At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin upang magbalik ng sagot sa bayang ito?

At sila'y nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Kung ikaw ay magmagandang loob sa bayang ito, at iyong pagbigyang loob sila, at magsalita ng mga mabuting salita sa kanila, iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man.

Nguni't iniwan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya.

At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na sinasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?

10 At ang mga binata na nagsilaki na kasabay niya, ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsalita sa iyo, na sinasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni't pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasabihin sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama.

11 At sa paraan ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12 Sa gayo'y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw.

13 At ang hari ay sumagot sa kanila na may katigasan, at iniwan ng haring Roboam ang payo ng mga matanda.

14 At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na sinasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't aking dadagdagan pa: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan: sapagka't buhat sa Dios, upang itatag ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na sinasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? wala man kaming mana sa anak ni Isai: bawa't tao sa inyo-inyong tolda, Oh Israel: ngayo'y ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang buong Israel sa kanikanilang tolda.

17 Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, pinagharian sila ni Roboam.

18 Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram, na nasa buwisan; at binato siya ng mga bato ng mga anak ni Israel, na anopa't siya'y namatay. At ang haring Roboam ay nagmadaling sumampa sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.

19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.