2 Corinto 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
5 Alam(A) naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2 Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, 3 upang kung mabihisan[a] na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. 4 Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5 Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad.
6 Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. 9 Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. 10 Sapagkat(B) lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito.
Pakikipagkaibigan sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo
11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12 Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13 Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14 Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. 17 Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. 18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19 Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.
20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
Footnotes
- 3 mabihisan: Sa ibang manuskrito'y mahubaran .
2 Corinto 5
Ang Biblia (1978)
5 Sapagka't nalalaman namin na kung masira (A)ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na (B)hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan.
2 Sapagka't tunay na sa ganito (C)kami ay nagsisihibik, na nangagnanasang mabihisan kami ng aming tahanang mula sa langit:
3 Na kung (D)mabihisan nga kami niyaon ay hindi kami mangasusumpungang hubad.
4 Sapagka't tunay na kaming nangasa tabernakulong ito ay nagsisihibik, na nangabibigatan; hindi sa ninanasa naming maging hubad, kundi ninanasa naming kami'y (E)bihisan, upang ang may kamatayan ay lamunin ng buhay.
5 Ngayon ang gumawa sa amin ng bagay ding ito ay ang Dios, na nagbigay (F)sa amin ng patotoo ng Espiritu.
6 Kaya nga kami'y laging malakas ang loob, at nalalaman namin na, samantalang kami ay nangasa tahanan sa katawan, ay wala kami sa harapan ng Panginoon.
7 (Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan (G)ng pananampalataya, (H)hindi sa pamamagitan ng paningin);
8 Na malakas ang loob namin, ang sabi ko, at (I)ibig pa nga namin ang mawala sa katawan, at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.
9 Kaya't ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya.
10 Sapagka't tayong (J)lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawa't isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.
11 Yamang nalalaman nga (K)ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni't kami ay nangahahayag (L)sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi.
12 Hindi namin ipinagkakapuring (M)muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan (N)na ikaluluwalhati ninyo dahil sa amin, upang kayo'y mangagkaroon ng maisasagot sa mga nagpapaluwalhati sa anyo, at hindi sa puso.
13 Sapagka't (O)kung kami ay maging mga ulol, ay para sa Dios; o maging kami ay mahinahon ang pagiisip, ay para sa inyo.
14 Sapagka't ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka't ipinasisiya namin ang ganito, na (P)kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo'y lahat ay nangamatay;
15 At siya'y namatay dahil sa lahat, (Q)upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.
16 Kaya nga mula ngayon ay hindi namin nakikilala (R)ang sinoman (S)ayon sa laman: bagama't nakilala namin si Cristo ayon sa laman, nguni't sa ngayo'y hindi na namin nakikilala siyang gayon.
17 Kaya't kung ang sinoman ay na (T)kay Cristo, (U)siya'y bagong nilalang: (V)ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.
18 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, (W)na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa (X)pagkakasundo;
19 Sa makatuwid baga'y, na ang (Y)Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.
20 (Z)Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, (AA)na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.
21 Yaong hindi nakakilala ng kasalanan (AB)ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y (AC)katuwiran ng Dios.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
