Add parallel Print Page Options

Nagrebelde si Jeroboam kay Solomon

26 Isa pa sa mga kumalaban kay Solomon ay si Jeroboam na isa sa mga opisyal niya. Galing siya sa lungsod ng Zereda sa Efraim. Ang ama niyang si Nebat ay patay na, pero ang kanyang ina na si Zerua ay buhay pa. 27 Ito ang nangyari kung paano siya nagrebelde sa hari: Pinatabunan noon ni Solomon ng lupa ang mababang bahagi ng bayan ng ama niyang si David at ipinaayos ang mga pader nito. 28 Maabilidad na tao si Jeroboam at nang mapansin ni Solomon ang kanyang kasipagan, itinalaga niya itong tagapamahala ng lahat ng tao na pinilit magtrabaho mula sa lahi ni Efraim at ni Manase.[a]

29 Isang araw, habang palabas si Jeroboam sa Jerusalem, sinalubong siya ni propetang Ahia na taga-Shilo. Bago ang suot na balabal ni Ahia. Silang dalawa lang ang naroon sa kapatagan. 30 Hinubad ni Ahia ang balabal niya at pinunit ito sa 12 bahagi. 31 Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso nito, dahil ganito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Kukunin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay sa iyo ang sampung lahi nito. 32 Ngunit alang-alang kay David na aking lingkod at sa lungsod ng Jerusalem na aking hinirang sa lahat ng lungsod ng Israel, ititira ko ang isang lahi kay Solomon. 33 Gagawin ko ito dahil itinakwil niya[b] ako at sinamba si Ashtoret, ang diosa ng mga Sidoneo, si Kemosh, ang dios ng mga Moabita at si Molec, ang dios ng mga Ammonita. Hindi siya sumunod sa aking mga pamamaraan at hindi siya namuhay nang matuwid sa aking paningin. Hindi siya tumupad sa aking mga tuntunin at mga utos; hindi tulad ng ama niyang si David. 34 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian kay Solomon. Maghahari siya sa buong buhay niya dahil sa pinili kong lingkod na si David, na tumupad sa aking mga utos at mga tuntunin. 35 Kukunin ko ang kaharian sa kanyang anak na papalit sa kanya bilang hari, at ibibigay ko ang sampung lahi nito sa iyo. 36 Bibigyan ko ng isang lahi ang kanyang anak para ang angkan ni David na aking lingkod ay magpapatuloy sa paghahari sa Jerusalem, ang lungsod na aking pinili para parangalan ako. 37 At ikaw naman ay gagawin kong hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang lahat ng gusto mo. 38 Kung tutuparin mo ang lahat ng iuutos ko sa iyo at susunod ka sa pamamaraan ko, at kung gagawa ka nang mabuti sa aking harapan sa pamamagitan ng pagtupad ng aking mga tuntunin at mga utos katulad ng ginawa ni David na aking lingkod, akoʼy makakasama mo. Mananatili sa paghahari ang iyong mga angkan tulad sa mga angkan ni David. Magiging iyo ang Israel. 39 Dahil sa mga kasalanan ni Solomon, parurusahan ko ang mga angkan ni David, pero hindi panghabang buhay.’ ”

40 Nang malaman ito ni Solomon, pinagsikapan niyang patayin si Jeroboam, pero tumakas ito at pumunta kay Haring Sishak ng Egipto at doon siya tumira hanggang mamatay si Solomon.

Ang Pagkamatay ni Solomon(A)

41 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, at ang lahat ng ginawa niya, at ang tungkol sa kanyang karunungan ay nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 43 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(B)

12 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat nang panahong iyon, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) Ipinatawag ng buong mamamayan ng Israel si Jeroboam at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” Sumagot sila, “Kung ipapakita mo ngayon ang iyong kabutihan sa kanila, at ibibigay ang kahilingan nila, maglilingkod sila sa iyo magpakailanman.”

Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo, sa halip nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga kababata ni Rehoboam, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang kalingkingan ko ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin, mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung hinampas kayo ng aking ama ng latigo, hahampasin ko kayo ng latigong may mga matalim na bakal.’ ”[c]

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya ng masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga kababata niya. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15 Hindi nga nakinig ang hari sa mga tao, niloob ito ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng lahat ng Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Wala kaming pakialam sa iyo na mula sa lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” At umuwi nga ang mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang napamahalaan ni Rehoboam.

18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

20 Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(C)

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon 24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.

Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka

25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito. 26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David 27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan. 30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.[d] Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.

31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar[e] at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita. 32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya. 33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.

Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel

13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[f] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”

Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.

11 Nang panahong iyon, may isang matandang propeta na nakatira sa Betel. Pinuntahan siya ng kanyang mga anak na lalaki[g] at ibinalita ang lahat ng ginawa ng lingkod ng Dios noong araw na iyon sa Betel. Ibinalita rin nila sa kanya kung ano ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari. 12 Nagtanong ang kanilang ama, “Saan siya dumaan pauwi?” At sinabi nila kung saan siya dumaan. 13 Pagkatapos, sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” Kaya inihanda nila ang asno; sumakay siya 14 at hinabol ang lingkod ng Dios. Inabutan niyang nakaupo ito sa ilalim ng punong terebinto. Tinanong niya ito, “Ikaw ba ang lingkod ng Dios na galing sa Juda?” Sumagot siya, “Opo.” 15 Sinabi niya, “Halika sa bahay at kumain.” 16 Sumagot ang lingkod ng Dios, “Hindi po ako maaaring bumalik at sumama sa inyo, at hindi rin ako maaaring kumain o uminom kasama ninyo sa lugar na ito. 17 Sapagkat inutusan ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 18 Sinabi ng matandang propeta, “Propeta rin ako na katulad mo. At inutusan ng Panginoon ang isang anghel para sabihin sa akin na dalhin kita sa bahay ko para makakain at makainom ka.” (Pero nagsisinungaling ang matanda.) 19 Kaya sumama sa kanyang bahay ang lingkod ng Dios, kumain at uminom siya roon.

20 Habang nakaupo sila sa mesa, may sinabi ang Panginoon sa matandang propeta. 21 Kaya sinabi ng matandang propeta sa lingkod ng Dios na galing sa Juda, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Nilabag mo ang utos ng Panginoon na iyong Dios; hindi mo sinunod ang iniutos niya sa iyo. 22 Iniutos niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom sa lugar na ito, pero bumalik ka rito at kumain at uminom. Dahil sa ginawa mo, ang bangkay mo ay hindi ililibing sa libingan ng mga ninuno mo.’ ”

23 Nang matapos kumain at uminom ang lingkod ng Dios, inihanda ng matandang propeta ang asno para sa pag-uwi nito. 24 At habang papauwi na siya, sinalubong siya ng isang leon at pinatay. Ang bangkay nitoʼy nakahandusay sa daan, at sa tabi nitoʼy nakatayo ang leon at asno. 25 Nakita ng mga taong dumaraan doon ang bangkay at ang leon sa tabi nito, at ibinalita nila ito sa lungsod kung saan nakatira ang matandang propeta.

26 Nang marinig ito ng matandang propeta, sinabi niya, “Siya ang lingkod ng Dios na lumabag sa salita ng Panginoon. Pinabayaan siya ng Panginoon sa leon na sumunggab at pumatay sa kanya, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya.”

27 Sinabi agad ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” At inihanda nila ito. 28 Umalis siya, at nakita niya ang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at asno na nakatayo sa tabi nito. Hindi kinain ng leon ang bangkay o nilapa man ang asno. 29 Kinuha ng matandang propeta ang bangkay ng lingkod ng Dios at isinakay sa asno, at dinala sa kanilang lungsod para ipagluksa ang bangkay at ilibing ito. 30 Inilibing niya ito sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili. Lubha silang nalungkot sa pagkamatay ng lingkod ng Dios.

31 Matapos siyang mailibing, sinabi ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan ng lingkod ng Dios, at pagtabihin ninyo kami. 32 Dahil ang mga salita na sinabi ng Panginoon sa kanya tungkol sa altar sa Betel at sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria ay siguradong matutupad.”

33 Kahit nangyari ang mga ito, hindi pa rin nagbago si Jeroboam sa kanyang pag-uugali. Pumili pa rin siya ng mga taong maglilingkod bilang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar. Ang sinumang gustong maglingkod bilang pari ay inordinahan niya. 34 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng sambahayan niya at naghatid sa kanila ng pagkatalo at kapahamakan.

Ang Sinabi ni Propeta Ahia Laban kay Jeroboam

14 Nang panahong iyon, nagkasakit ang anak na lalaki ni Jeroboam na si Abijah. Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya, “Pumunta ka sa Shilo, magbalat-kayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa kita. Naroon si Ahia, ang propeta na nagsabi sa akin na magiging hari ako ng Israel. Pumunta ka sa kanya at magdala ng mga regalo na sampung tinapay, mga pagkain, at isang garapong pulot dahil sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.” Kaya pumunta ang asawa ni Jeroboam sa bahay ni Ahia sa Shilo. Matanda na si Ahia at hindi na makakita. Pero sinabi ng Panginoon kay Ahia, “Papunta rito ang asawa ni Jeroboam na nagbalat-kayo para hindi makilala. Magtatanong siya sa iyo tungkol sa anak niyang may sakit, at sagutin mo siya ng sasabihin ko sa iyo.”

Nang marinig ni Ahia na papasok siya sa pintuan, sinabi ni Ahia, “Halika, pumasok ka. Alam kong asawa ka ni Jeroboam. Bakit ka nagbabalat-kayo? May masamang balita ako sa iyo. Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at gumawa ng matuwid sa aking paningin. Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga dios-diosang gawa sa metal. 10 Dahil dito, padadalhan ko ng kapahamakan ang sambahayan mo. Papatayin ko ang lahat ng lalaki, alipin man o hindi. Wawasakin ko nang lubusan ang sambahayan mo tulad ng dumi[h] na sinunog at walang natira. 11 Ang mga miyembro ng sambahayan mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.’ Mangyayari ito dahil Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

12 Pagkatapos, sinabi ni Ahia sa asawa ni Jeroboam, “Umuwi ka na sa inyo. Pagdating mo sa inyong lungsod, mamamatay ang iyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ililibing. Siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang maililibing ng maayos, dahil siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang kinalugdan ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 14 At sa panahong ito, maglalagay ang Panginoon ng hari sa Israel na siyang gigiba sa sambahayan ni Jeroboam. 15 Parurusahan ng Panginoon ang Israel hanggang sa manginig ito tulad ng talahib na humahapay-hapay sa agos ng tubig. Aalisin niya sila sa magandang lupaing ito, na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno, at pangangalatin sila sa unahan ng Ilog ng Eufrates dahil ginalit nila siya nang gumawa sila ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 Pababayaan niya sila dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.”

17 Pagkatapos, umuwi ang asawa ni Jeroboam sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng bahay nila, namatay agad ang kanyang anak. 18 Ipinagluksa ng buong Israel ang kanyang anak at inilibing nila ito, ayon nga sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Propeta Ahia.

19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam, pati na ang kanyang pakikipaglaban ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 20 Naghari si Jeroboam sa Israel sa loob ng 22 taon. Nang mamatay siya, ang anak niyang si Nadab ang pumalit sa kanya bilang hari.

Footnotes

  1. 11:28 lahi ni Efraim at ni Manase: sa literal, sambahayan ni Jose.
  2. 11:33 niya: Itoʼy ayon sa mga teksto ng Septuagint, Vulgate at Syriac; sa Hebreo, nila.
  3. 12:11 latigong may mga matalim na bakal: sa literal, alakdan. Ganito rin sa talatang 14.
  4. 12:30 naging dahilan … Israelita: o, kasalanan.
  5. 12:31 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. Makikita rin sa 13:2.
  6. 13:2 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  7. 13:11 mga anak na lalaki: Itoʼy ayon sa ibang lumang teksto; sa Hebreo, anak na lalaki.
  8. 14:10 dumi: o, dumi ng hayop.