Add parallel Print Page Options

Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.

Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.

Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.

10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.

13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.

18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:

“Sinabi ng Panginoon,
    ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
    ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”

22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.

Kaayusan sa Iglesya

26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.

Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.[a]

36 Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.

39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.

Footnotes

  1. 1 Corinto 14:35 Sa ibang manuskrito'y nakarugtong ang mga talatang ito sa talatang 40.

14 Sundin ninyo ang pagibig; gayon ma'y maningas ninyong (A)pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu, nguni't lalo na ang kayo'y mangakapanghula.

Sapagka't ang nagsasalita ng wika ay hindi sa mga tao nagsasalita, kundi sa Dios; sapagka't walang nakauunawa sa kaniya; kundi sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga.

Datapuwa't ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa (B)ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw.

Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni't ang nanghuhula ay (C)nagpapatibay sa iglesia.

Ibig ko sanang kayong lahat ay mangagsalita ng mga wika, datapuwa't lalo na ang kayo'y magsipanghula: at lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, (D)maliban na kung siya'y magpapaliwanag upang ang iglesia ay mapagtibay.

Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng (E)pahayag, o ng (F)kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?

Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa?

Sapagka't kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka?

Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita.

10 Halimbawa, mayroon ngang iba't ibang mga tinig sa sanglibutan, at walang di may kahulugan.

11 Kung hindi ko nga nalalaman ang kahulugan ng tinig, magiging (G)barbaro ako sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging barbaro sa akin.

12 Gayon din naman kayo, na yamang kayo'y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo'y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.

13 Kaya't ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya'y makapagpaliwanag.

14 Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa't ang aking pagiisip ay hindi namumunga.

15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: (H)aawit ako sa espiritu, at (I)aawit din naman ako sa pagiisip.

16 Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng (J)di marunong, paanong siya'y makapagsasabi ng (K)Siya nawa, (L)sa iyong pagpapasalamat, palibhasa'y hindi nalalaman ang inyong sinasabi?

17 Sapagka't ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa't ang iba'y hindi napapagtibay.

18 Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat:

19 Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika.

20 Mga kapatid, (M)huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y (N)mangagpakatao.

21 (O)Sa kautusan ay nasusulat, (P)sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon.

22 Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni't (Q)ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya.

23 Kung ang buong iglesia nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, (R)hindi baga nila sasabihing kayo'y mga ulol?

24 Datapuwa't kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya (S)ng lahat;

25 Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo'y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing (T)tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo.

26 Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang (U)awit, may isang (V)aral, may isang (W)pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. (X)Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.

27 Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag:

28 Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios.

29 At ang dalawa o tatlo sa (Y)mga propeta ay magsipagsalita, at (Z)ang mga iba'y mangagsiyasat.

30 Datapuwa't kung may (AA)ipinahayag na anoman sa isang nauupo, ay tumahimik ang nauuna.

31 Sapagka't kayong lahat ay makapanghuhulang isa-isa, upang ang lahat ay mangatuto, at ang lahat ay maaralan;

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasakupan ng mga propeta;

33 Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. (AB)Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal,

34 (AC)Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka't sila'y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila'y pasakop, gaya naman ng (AD)sinasabi ng kautusan.

35 At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka't mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia.

36 Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating?

37 Kung (AE)iniisip ninoman na siya'y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo'y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon.

38 Datapuwa't kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang.

39 Kaya nga, mga kapatid ko, maningas na pakanasain ninyong makapanghula, at huwag ninyong ipagbawal ang magsalita ng mga wika.

40 Datapuwa't gawin ninyong may karapatan at may kaayusan ang lahat ng mga bagay.