Mga Awit 137
Ang Biblia, 2001
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
    doon tayo'y naupo at umiyak;
    nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
    ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
    ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
    “Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
    sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
    makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
    kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
    sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
    ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
    Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
    Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
    ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
    at sa malaking bato sila'y sasalpok.
