Add parallel Print Page Options

10 Datapuwa't nang mangakaahon na ang kaniyang mga kapatid sa pista, saka naman siya umahon, hindi sa hayag, kundi waring sa lihim.

11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, Saan naroon siya?

12 At nagkaroon ng maraming bulongbulungan tungkol sa kaniya ang karamihan: sinasabi ng ilan, Siya'y taong mabuti; sinasabi ng mga iba, Hindi gayon, kundi inililigaw niya ang karamihan.

13 Gayon man ay walang taong nagsasalita ng hayag tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.

14 Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo.

15 Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?

16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.

18 Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.

19 Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?

20 Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?

21 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon.

22 Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake.

23 Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao sa sabbath?

24 Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.

25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?

26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?

27 Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya.

28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.

29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.

30 Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?

32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.

33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

34 Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.

35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego?

36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?

37 Nang huling araw nga, na dakilang araw ng kapistahan, si Jesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, Kung ang sinomang tao'y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom.

38 Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay.

39 (Nguni't ito'y sinalita niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga magsisisampalataya sa kaniya: sapagka't hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka't si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.)

40 Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.

41 Sinasabi ng mga iba, Ito nga ang Cristo. Datapuwa't sinasabi ng ilan, Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Cristo?

42 Hindi baga sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David, at mula sa Bet-lehem, ang nayong kinaroonan ni David?

43 Kaya nangyaring nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa karamihan dahil sa kaniya.

44 At ibig ng ilan sa kanila na siya'y hulihin; datapuwa't walang taong sumunggab sa kaniya.

45 Nagsidating nga ang mga punong kawal sa mga pangulong saserdote at sa mga Fariseo; at sinabi nila sa kanila, Bakit hindi ninyo siya dinala?

46 Nagsisagot ang mga punong kawal, Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.

47 Sinagot nga sila ng mga Fariseo, Kayo baga naman ay nangailigaw rin?

48 Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno, o ang sinoman sa mga Fariseo?

49 Datapuwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa.

50 Sinabi sa kanila ni Nicodemo (yaong pumaroon kay Jesus nang una, na isa sa kanila),

51 Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa?

52 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y taga Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.

53 Ang bawa't tao'y umuwi sa kanikaniyang sariling bahay:

Datapuwa't si Jesus ay napasa bundok ng mga Olivo.

At pagka umaga ay nagbalik siya sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya; at siya'y naupo, at sila'y tinuruan.

At dinala sa kaniya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya; at nang mailagay siya sa gitna,

Ay sinabi nila sa kaniya, Guro, nahuli ang babaing ito sa kasalukuyan ng pangangalunya.

Sa kautusan nga ay ipinagutos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan: ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya?

At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.

At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.

10 At umunat si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?

11 At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.

12 Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.

13 Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo.

14 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon.

15 Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao.

16 Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.

17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.

18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin.

19 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.

20 Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.