Levitico 1-7
Ang Biblia, 2001
Mga Handog na Sinusunog
1 Ipinatawag ng Panginoon si Moises at nagsalita sa kanya mula sa toldang tipanan, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Kapag ang sinuman sa inyo ay nagdadala ng alay sa Panginoon, ang dadalhin ninyong alay ay galing sa mga hayop, mga bakahan, at sa kawan.
3 “Kung ang kanyang alay ay isang handog na sinusunog mula sa bakahan, mag-aalay siya ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, upang siya ay tanggapin sa harapan ng Panginoon.
4 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya.
5 At kanyang papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga pari, at iwiwisik ito sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng toldang tipanan.
6 Kanyang babalatan at pagpuputul-putulin ang handog na sinusunog.
7 Maglalagay ang mga anak ng paring si Aaron ng apoy sa ibabaw ng dambana, at aayusin ang kahoy sa apoy.
8 Aayusin ng mga paring anak ni Aaron ang mga bahagi, ang ulo, at ang taba sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana;
9 ngunit ang mga lamang-loob at mga paa ay huhugasan niya ng tubig. Susunugin ng pari ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo sa Panginoon.
10 “Kung ang kanyang kaloob para sa handog na sinusunog ay mula sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, siya ay maghahandog ng isang lalaking walang kapintasan.
11 Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng Panginoon. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga pari, ang dugo niyon sa palibot ng dambana.
12 At ito ay kanyang pagpuputul-putulin, kasama ang ulo at ang kanyang taba, at iaayos ng pari sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;
13 ngunit ang mga lamang-loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng pari ang kabuuan at susunugin sa dambana; ito ay isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.
14 “Kung ang kanyang alay sa Panginoon ay handog na sinusunog na mula sa mga ibon, ang ihahandog niya ay mga batu-bato o mga batang kalapati.
15 Ito ay dadalhin ng pari sa dambana, puputulan ng ulo, susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang dugo'y patutuluin sa tabi ng dambana.
16 Aalisin niya ang butsi pati ang mga laman nito, at ihahagis sa silangang bahagi ng dambana, sa kinalalagyan ng mga abo.
17 Bibiyakin niya ito sa mga pakpak, ngunit hindi hahatiin. Ito'y susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy, bilang isang handog na sinusunog. Ito ay isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.
Ang Butil na Handog
2 “Kapag ang isang tao ay magdadala ng butil na handog bilang handog sa Panginoon, dapat na ang kanyang handog ay mula sa piling harina. Bubuhusan niya ito ng langis, at lalagyan ito ng kamanyang.
2 Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari at siya'y kukuha mula roon ng isang dakot na piling harina at langis, at lahat ng kamanyang nito. Ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinakaalaala, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
3 Ang nalabi sa butil na handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito ay kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
4 “Kapag ikaw ay magdadala ng butil na handog na niluto sa hurno, dapat na ito ay tinapay na walang pampaalsa mula sa piling harina na hinaluan ng langis, o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
5 At kung ang iyong alay ay butil na handog na luto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.
6 Ito ay iyong pagpuputul-putulin at bubuhusan mo ito ng langis; ito ay butil na handog.
7 Kung ang butil na handog ay niluto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na hinaluan ng langis.
8 At dadalhin mo sa Panginoon ang pagkaing handog na mula sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito ng pari sa dambana.
9 Kukunin ng pari mula sa butil na handog ang bahaging pinakaalaala nito at susunugin sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
10 At ang nalabi sa pagkaing handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Diyos.
11 “Alinmang butil na handog na iaalay ninyo sa Panginoon, ay gawin ninyong walang pampaalsa. Huwag kayong magsusunog ng anumang pampaalsa ni ng anumang pulot bilang handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon.
12 Bilang alay na mga unang bunga, ihahandog ninyo ang mga ito sa Panginoon, ngunit ang mga ito ay hindi ihahandog sa dambana bilang isang mabangong samyo.
13 Titimplahan mo ng asin ang lahat ng iyong butil na handog. Huwag mong hayaang ang iyong butil na handog ay mawalan ng asin sa pakikipagtipan ng iyong Diyos; lahat ng iyong mga alay ay ihahandog mong may asin.
14 “Kung maghahandog ka sa Panginoon ng butil na handog ng mga unang bunga, ang iaalay mo bilang butil na handog ng iyong unang bunga ay niligis na bagong butil na sinangag sa apoy.
15 Bubuhusan mo iyon ng langis at lalagyan mo ng kamanyang sa ibabaw nito, ito ay butil na handog.
16 At susunugin ng pari bilang bahaging pinakaalaala ang bahagi ng butil na niligis at ang bahagi ng langis, pati ang lahat ng kamanyang niyon; ito ay isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
Handog Pangkapayapaan
3 “Kung ang alay ay handog pangkapayapaan, at ang ihahandog niya ay mula sa bakahan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harapan ng Panginoon.
2 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang alay, at papatayin ito sa pintuan ng toldang tipanan; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari ang dugo sa palibot ng dambana.
3 Mula sa kanyang alay na handog pangkapayapaan, bilang isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ihahandog niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,
4 at ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga iyon, na nasa mga balakang, at ang lamad ng atay na kanyang aalising kasama ng mga bato.
5 Pagkatapos, ito ay susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
6 “At kung ang kanyang alay sa Panginoon bilang handog pangkapayapaan ay mula sa kawan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan.
7 Kung isang kordero ang kanyang ihahandog bilang kanyang alay, ihahandog niya ito sa harapan ng Panginoon,
8 kanyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kanyang alay, at ito ay papatayin sa harapan ng toldang tipanan, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyon sa palibot ng dambana.
9 Mula sa alay na mga handog pangkapayapaan na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, iaalay niya ang taba niyon, ang buong matabang buntot na aalisin sa pinakamalapit sa gulugod, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng taba ng lamang-loob.
10 Ang dalawang bato, at ang tabang nasa loob nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.
11 At susunugin ito ng pari sa ibabaw ng dambana bilang pagkaing inihandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
12 “Kung ang kanyang alay ay kambing, dadalhin niya ito sa harapan ng Panginoon.
13 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo niyon, at papatayin iyon sa harapan ng toldang tipanan at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa palibot ng dambana.
14 Siya ay maghahandog mula rito ng kanyang alay, bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ang tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,
15 ang dalawang bato, ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.
16 Ang mga ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, bilang pagkaing handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo. Lahat ng taba ay sa Panginoon.
17 Ito ay magiging isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. Huwag kayong kakain ng taba o anumang dugo nito.”
Handog para sa Kasalanang Hindi Sinasadya
4 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya sa alinman sa mga iniutos ng Panginoon tungkol sa mga bagay na hindi dapat gawin, at nakagawa ang alinman sa mga ito:
3 Kapag ang pari na binuhusan ng langis ang nagkasala at nagbunga ng pagkakasala sa bayan, ay maghahandog siya sa Panginoon ng isang guyang toro na walang kapintasan, bilang handog pangkasalanan dahil sa nagawa niyang kasalanan.
4 Dadalhin niya ang toro sa pintuan ng toldang tipanan sa harapan ng Panginoon; at ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
5 Ang pari na binuhusan ng langis ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin sa toldang tipanan;
6 ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit ang dugo sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng tabing ng dakong banal.
7 Maglalagay ang pari ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana ng mabangong insenso sa harapan ng Panginoon, na nasa toldang tipanan at ang nalabi sa dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan ng kapulungan.
8 Kanyang aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog pangkasalanan; ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang nasa lamang-loob;
9 ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato,
10 gaya ng pag-aalis ng mga ito sa bakang lalaki na alay ng handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.
11 Subalit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, pati ang ulo, mga hita, lamang-loob, dumi,
12 at ang buong toro ay ilalabas niya sa kampo sa isang dakong malinis, sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo, at kanyang susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy; ito ay susunugin sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo.
13 “At kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang hindi sinasadya, at ito ay hindi alam ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin at sila'y nagkasala,
14 kapag nalaman na ang kasalanang kanilang nagawa, ang kapulungan ay magdadala ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan, at dadalhin ito sa harapan ng toldang tipanan.
15 Ipapatong ng matatanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harapan ng Panginoon, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
16 Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis,
17 at ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng Panginoon sa harap ng tabing.
18 Maglalagay siya ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana na nasa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan, at ang nalabi sa dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan.
19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana.
20 Gagawin niya sa toro kung paano ang ginawa niya sa torong handog pangkasalanan, gayundin ang gagawin niya rito. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanila, at sila ay patatawarin.
21 Ilalabas niya ang toro sa kampo at susunugin ito gaya ng pagkasunog sa unang toro; ito ay handog pangkasalanan para sa kapulungan.
22 “Kapag ang isang pinuno ay nagkasala at nakagawa nang hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Diyos na hindi dapat gawin, at nagkasala;
23 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanang kanyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog, isang lalaking kambing na walang kapintasan.
24 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya ito sa dakong pinagkakatayan ng handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; ito ay handog pangkasalanan.
25 Pagkatapos ay kukuha ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri ng kaunting dugo mula sa handog pangkasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog.
26 At ito ay susunugin niya sa dambana, kasama ang lahat nitong taba, gaya ng taba ng handog pangkapayapaan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanyang kasalanan, at siya ay patatawarin.
Ang Batas ng Handog Pangkasalanan ng mga Pangkaraniwang Tao
27 “At(A) kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng Panginoon at nagkasala,
28 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaing kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya.
29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan, at papatayin ang handog pangkasalanan sa lugar ng handog na sinusunog.
30 Pagkatapos ay kukuha ng kaunting dugo nito ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo niyon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
31 Lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa alay na handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa dambana bilang mabangong samyo sa Panginoon. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya ay patatawarin.
32 “Kapag kordero ang kanyang dinala bilang handog pangkasalanan, siya ay magdadala ng babaing walang kapintasan.
33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan at papatayin ito bilang handog pangkasalanan sa lugar na pinagpapatayan ng handog na sinusunog.
34 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabing dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
35 Ang lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa kordero na alay bilang handog pangkapayapaan, at ang mga ito ay susunugin ng pari sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, para sa kanyang kasalanan na kanyang nagawa at siya'y patatawarin.
Mga Pangyayaring Nangangailangan ng Handog Pangkasalanan
5 “Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan.
2 O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala.
3 O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.
4 O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.
5 Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa.
6 Dadalhin niya sa Panginoon ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya.
7 “Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa Panginoon bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati—ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog.
8 Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin.
9 Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan.
10 Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.
11 “Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan.
12 Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan.
13 Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog.”
14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15 “Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon, magdadala siya sa Panginoon ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong[b] pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala.
16 At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin.
17 “At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan.
18 Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.
19 Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa Panginoon.”
6 Nagsalita(B) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi:
2 “Kung ang sinuman ay magkasala at sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sangla, o sa pagnanakaw, o pangingikil sa kanyang kapwa,
3 o nakatagpo ng nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol doon, at sumumpa ng kasinungalingan tungkol sa alinman sa lahat ng ito na ginawa ng tao, at nagkasala;
4 kapag siya'y nagkasala at naunawaan na niya ang kanyang kasalanan, isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pangingikil, o ang habiling inihabilin sa kanya, o ang bagay na nawala na kanyang natagpuan,
5 o lahat ng bagay na kanyang sinumpaan ng kabulaanan. Isasauli niya itong buo at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyon sa kaninumang nagmamay-ari sa araw ng kanyang handog para sa budhing maysala.
6 Dadalhin niya sa pari ang kanyang handog para sa budhing maysala sa Panginoon, ang isang tupang lalaki na walang kapintasan na mula sa kawan, ayon sa iyong halagang itinakda para sa isang handog para sa budhing maysala.
7 Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon tungkol sa bagay na kanyang nagawa at napatunayang nagkasala; siya ay patatawarin.”
Mga Handog na Sinusunog
8 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
9 “Iutos mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak: Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog. Ang handog na sinusunog ay mananatili sa ibabaw ng dambana sa buong magdamag hanggang umaga, samantalang ang apoy sa dambana ay pananatilihing nagniningas doon.
10 At isusuot ng pari ang kanyang mahabang kasuotang lino sa ibabaw ng kanyang mga pang-ilalim na lino kasunod ng kanyang katawan; at kukunin niya ang mga abo ng handog na sinusunog na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.
11 Pagkatapos nito, maghuhubad siya ng kanyang mga suot at magbibihis ng ibang mga kasuotan, at ilalabas ang mga abo sa kampo sa isang malinis na pook.
12 Ang apoy sa ibabaw ng dambana ay pananatilihing nagniningas doon, at hindi ito papatayin. Ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyon tuwing umaga, at aayusin niya sa ibabaw niyon ang handog na kanyang susunugin, at kanyang susunugin ito kasama ang taba ng mga handog pangkapayapaan.
13 Ang apoy ay pananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi ito papatayin.
Mga Butil na Handog
14 “Ito ang kautusan tungkol sa butil na handog: dadalhin ito ng mga anak ni Aaron sa harapan ng Panginoon, sa harap ng dambana.
15 Kukuha siya roon ng isang dakot ng magandang uri ng harina at ng langis ng butil na handog, at ng lahat na kamanyang na nasa ibabaw ng handog. Ito ay susunugin bilang bahaging alaala sa ibabaw ng dambana, isang mabangong samyo sa Panginoon.
16 Ang nalabi sa handog ay kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ito ay kakainin na walang pampaalsa sa dakong banal; kakainin nila ito sa bulwagan ng toldang tipanan.
17 Hindi ito lulutuing may pampaalsa. Aking ibinigay iyon bilang kanilang bahagi mula sa handog sa akin na pinaraan sa apoy; ito ay kabanal-banalan gaya ng handog pangkasalanan at handog para sa budhing maysala.
18 Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain niyon mula sa handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Ito ay iniutos magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Sinumang humipo sa mga iyon ay magiging banal.”
19 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
20 “Ito ang alay ni Aaron at ng kanyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y buhusan ng langis: ang ikasampung bahagi ng isang efa[c] ng piling harina bilang isang nagpapatuloy na butil na handog, ang kalahati nito ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon.
21 Ito ay gagawin sa kawaling may langis; ito ay mamasahing mabuti at pipira-pirasuhin tulad sa butil na handog, at ihahandog ito bilang mabangong samyo sa Panginoon.
22 Ang paring mula sa mga anak ni Aaron na binuhusan ng langis upang humalili sa kanya ay maghahandog niyon gaya ng ipinag-utos ng Panginoon magpakailanman; ito ay susunuging buo.
23 Bawat butil na handog ng pari ay susunuging buo, hindi ito kakainin.”
24 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
25 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ito ang kautusan tungkol sa handog pangkasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na sinusunog ay doon papatayin sa harapan ng Panginoon ang handog pangkasalanan; ito ay kabanal-banalang bagay.
26 Ang paring naghandog niyon para sa kasalanan ay kakain niyon. Ito ay kakainin sa banal na dako sa bulwagan ng toldang tipanan.
27 Lahat ng humipo ng laman niyon ay magiging banal; at kapag tumilamsik ang dugo sa damit, ang natilamsikan ay lalabhan sa banal na dako.
28 Ang palayok na pinaglagaan nito ay babasagin; at kung ito'y inilaga sa sisidlang tanso, ito ay lilinisin at babanlawan ng tubig.
29 Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay kabanal-banalan.
30 At alinmang handog pangkasalanan na ang dugo'y ipinasok sa toldang tipanan upang ipantubos sa santuwaryo ay huwag kakainin. Ito ay susunugin ng apoy.
Handog sa Pagkakasala
7 “Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan.
2 Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana.
3 Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob,
4 at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato.
5 Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala.
6 Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal.
7 Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito.
8 Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay.
9 Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali ay mapupunta sa pari na naghahandog niyon.
10 Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron.
Handog Pangkapayapaan
11 “Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa Panginoon.
12 Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis.
13 Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat.
14 At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa Panginoon; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan.
Ang Pagkain ng Handog Pangkapayapaan
15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga.
16 Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito;
17 subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
18 Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala.[d]
19 “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman.
20 Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan.
21 Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
22 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
23 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.
24 Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin.
25 Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa Panginoon, ay ititiwalag sa kanyang bayan.
26 At(C) huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan.
27 Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.
30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.
32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.
33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.
34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.
35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;
36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”
37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,
38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.
Footnotes
- Levitico 5:11 Ang isang efa ay katimbang ng halos 30 litro.
- Levitico 5:15 Ang isang siklo ay halos katumbas ng 15 gramo ng pilak nang panahong iyon.
- Levitico 6:20 Ang isang efa ay katimbang ng halos 30 litro.
- Levitico 7:18 Sa Hebreo ay magpapasan ng kanyang kasamaan .