Add parallel Print Page Options

Nakipagkasundo si Judas upang Ipagkanulo si Jesus

14 Nang magkagayon isa sa labindalawang alagad, na tinatawag na Judas na taga-Keriot, ay pumunta sa mga pinunong-saserdote.

15 Sinabi niya: Ano ang ibibigay ninyo sa akin kapag maibigay ko si Jesus sa inyo? Itinakda nila sa kaniya ang tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula sa oras na iyon, siya ay naghanap ng pagkakataon upang maipagkanulo niya si Jesus.

Ang Huling Hapunan

17 Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, pumunta kay Jesus ang mga alagad. Sinabi nila sa kaniya: Saan mo ibig na kami ay maghanda para sa iyo upang makakain ng hapunan ng Paglagpas?

18 Sinabi niya: Pumunta kayo sa isang lalaki na nasa lungsod. Sabihin ninyo sa kaniya: Sinabi ng guro: Ang aking oras ay malapit na. Gaganapin ko ang Paglagpas sa iyong bahay kasama ang aking mga alagad. 19 Ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Sila ay naghanda para sa Paglagpas.

20 Nang gumabi na, dumulog si Jesus sa hapag kasama ng labindalawa. 21 Habang sila ay kumakain, sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.

22 Ang bawat isa sa kanila ay labis na namighati. Nagsimula silang magsabi sa kaniya: Ako ba, Panginoon?

23 Ngunit sumagot siya: Ang kasama kong nagsawsaw ng kamay sa mangkok, siya ang magkakanulo sa akin. 24 Ang Anak ng Tao ay hahayo ayon sa isinulat patungkol sa kaniya. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya naipanganak.

25 Sumagot si Judas, ang magkakanulo kay Jesus: Ako ba, guro?

Sinabi niya sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

Read full chapter