Add parallel Print Page Options

39 Ito ang kalooban ng Ama na nagsugo sa akin: Wala akong iwawaglit sa lahat nang ibinigay niya sa akin ngunit ibabangon siya sa huling araw. 40 Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin: Ang bawat isa na nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw.

41 Ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan patungkol sa kaniya dahil sinabi niya: Ako ang tinapay na bumabang mula sa langit. 42 Sinabi nila: Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose at kilala natin ang kaniyang ama at ina? Papaano nga niya masasabing: Ako ay bumabang mula sa langit?

43 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila: Huwag kayong magbulong-bulungan. 44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin at ibabangon ko siya sa huling araw. 45 Nasusulat sa aklat ng mga propeta: At silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat isa nga na nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. 46 Ito ay hindi dahil sa nakita ng sinuman ang Ama. Ang tanging nakakita sa Ama ay siya na mula sa Diyos. 47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Siya na sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Ang inyong mga magulang na kumain ng tinapay sa ilang ay nangamatay na. 50 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Maaaring kumain nito ang sinuman at hindi mamamatay. 51 Ako ang tinapay na buhay na bumaba mula sa langit. Ang sinumang makakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpaka­ilanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman. Ito ang aking ibibigay para sa buhay ng sanlibutan.

52 Nagtalo-talo nga ang mga Judio. Kanilang sinabi: Papaano niya maibibigay sa atin ang kaniyang laman upang kainin?

53 Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay makakain ng laman ng Anak ng tao at makainom ng kaniyang dugo ay wala kayong buhay. 54 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan. Ibabangon ko siya sa huling araw. 55 Ito ay sapagkat ang aking laman ay totoong pagkain at ang aking dugo ay totoong inumin. 56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin. Ako naman ay sumasa kaniya. 57 Ang Amang buhay ang nagsugo sa akin at ako ay nabubuhay dahil sa Ama. Gayundin ang kumakain sa akin. Siya ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabang mula sa langit. Hindi ito tulad nang ang inyong mga ninuno ay kumain ng mana at ngayon ay mga patay na. Siya na kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59 Sinabi niya ang mga bagay na ito nang siya ay nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

Read full chapter