Add parallel Print Page Options

31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?

At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?

38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

40 Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.

Read full chapter