Add parallel Print Page Options

Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.

Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?

Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.

Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.

10 Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11 Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.

Read full chapter