Add parallel Print Page Options

23 Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.

24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25 Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26 Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.

27 Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Ito ay sapagkat may kapang­yarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.

Si Pablo sa Efeso

19 Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad.

Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?

Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.

Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?

Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.

Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumam­palataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.

Pumasok siya sa sinagoga at nagsalita siya ng may katapangan. Sa loob ng tatlong buwan, siya ay nakikipag­katwiranan at nanghihikayat patungkol sa mga bagay na nauukol sa paghahari ng Diyos. Ang ilan ay nagmatigas at ayaw maniwala. Sa harapan ng maraming tao pinagsalitaan nila ng masama ang Daan. Kaya umalis siya sa kanila. Inihi­walay niya ang mga alagad mula sa kanila at araw-araw ay nakikipagkatwiranan sa paaralan ni Tirano. 10 Ito ay tumagal ng dalawang taon. Anupa’t ang lahat ng nakatira sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus. Sila ay ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.

11 Ang Diyos ay gumawa ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo. 12 Kahit na ang mga panyo o mga tapis na mapadaiti sa kaniyang balat ay dinadala sa mga may karamdaman. Sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman at ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumalabas mula sa kanila.

13 May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipina­ngangaral ni Pablo. 14 Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. 15 Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? 16 Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.

17 Nalaman ito ng lahat ng mga Judio at gayundin ng mga Griyego na nakatira sa Efeso. At silang lahat ay natakot at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay lalong dinakila. 18 Marami rin naman sa mga mananampalataya ang dumating. Inihayag nila at isinaysay ang kanilang mga masasamang gawa. 19 Marami sa mga gumagawa ng panggagaway ang nagdala ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa paningin ng lahat. Binilang nila ang halaga ng mga iyon. Natuklasan nilang umabot sa limampung libong putol na pilak ang halaga nito. 20 Sa gayong paraan, lumagong may kapangyarihan ang salita ng Panginoon at ito ay nanaig.

21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.

Ang Kaguluhan sa Efeso

23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.

24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng panganga­lakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.

28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29 Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31 Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.

32 Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33 Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34 Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.

35 Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang kara­mihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37 Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38 Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa’t isa. 39 Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40 Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41 Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.

Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipina­tawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.

Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. Nauna sila at hinintay kami sa Troas. Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.

Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay

Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. May­roong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkaka­tipunan nila. May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kani­yang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso

13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.

14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipina­siya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapa­kumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananam­palataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

Ang Pagpunta sa Jerusalem

21 Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at maka­paglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara.

Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa isa’t isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.

Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.

10 Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.

12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14 Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.

15 Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16 Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem

17 Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.

18 Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19 Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21 Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22 Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24 Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.

26 Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.

Dinakip Nila si Pablo

27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya.

28 Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29 Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?

At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?

38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

40 Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.

22 Sinabi niya: Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko sa inyo ngayon.

Nang marinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalo pang tumahimik.

Sinabi niya: Ako nga ay Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia. Ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa pagtuturo ni Gamaliel. Tinuruan ako alinsunod sa mahigpit na pamamaraan ng kautusan ng mga ninuno. Ako ay masigasig sa Diyos tulad din ninyong lahat ngayon. Pinag-uusig ko ang mga taong sumunod sa Daan hanggang sa mamatay sila. Tinalian ko sila at ipinabilanggo. Ginawa ko ito kapwa sa mga lalaki at samga babae. Ang mga pinunong-saserdote at ang lahat ng matatanda ay magpapatotoo rin ng ganito patungkol sa akin. Tinanggap ko mula sa kanila ang mga sulat para sa mga kapatiran at naglakbay ako sa Damasco. Ito ay upang dalhing bilanggo sa Jerusalem ang mga naroon at nang sila ay maparusahan.

At nangyari, na samantalang naglalakbay ako at papalapit na sa Damasco, biglang nagningning sa akin ang isang malaking liwanag na galing sa langit. Noon ay magtatanghaling tapat na. Nasubasob ako sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sumagot ako: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya sa akin: Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.

Nakita nga ng mga kasamahan ko ang ilaw. Natakot sila ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko: Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?

Sinabi ng Panginoon sa akin: Tumindig ka at pumaroon ka sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng mga bagay na inutos kong gawin mo.

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaliwanagan ng ilaw na iyon, inakay ako sa kamay ng mga kasama ko. Pumunta ako sa Damasco.

12 Doon ay may isang lalaking nagngangalang Ananias. Siya ay palasamba sa Diyos ayon sa kautusan. Ang lahat ng mga Judiong nakatira roon ay nagpatotoo ng mabuti patungkol sa kaniya. 13 Lumapit siya sa akin at nakatayong nagsabi sa akin: Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. Nang sandali ring iyon ay tumingin ako sa kaniya.

14 Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo siya na matuwid at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Ito ay sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumindig ka at magbawtismo ka. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, at huhugasan ang iyong mga kasalanan.

17 Nangyari na bumalik na ako sa Jerusalem. Nang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nasa isang natatanging kalagayan. 18 Nakita ko siya na sinasabi niya sa akin: Magmadali ka at agad kang umalis sa Jerusalem. Sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.

19 Sinabi ko: Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sina­goga ako ang nagpabilanggo at nagpahampas sa kanila na mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang mabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako naman ay nakatayo sa malapit. Sinang-ayunan ko ang pagpatay sa kaniya. Binan­tayan ko ang mga damit ng mga pumatay sa kaniya.

21 At sinabi sa akin: Yumaon ka. Ito ay sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.

Si Pablo ay Mamamayang Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa mga pananalitang ito. At sila ay sumigaw na sinasabi: Alisin ninyo mula sa lupa ang taong ito. Hindi siya nararapat mabuhay.

23 Samantalang sila ay sumisigaw at ipinagtatapon ang kanilang mga damit, nagsabog sila ng mga alabok sa hangin. 24 Ipinag-utos ng pangulong kapitan na ipasok si Pablo sa kuta. Iniutos nito na siya ay usisain sa pamamagitan ng hagupit. Ito ay upang malaman niya kung ano ang dahilan at ang mga tao ay sumisigaw laban kay Pablo. 25 Nang iginagapos na nila siya ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa pinunong-kapitang nakatayo sa malapit: Matuwid ba para sa iyo na hagupitin ang isang taong taga-Roma na hindi pa nahahatulan?

26 Nang marinig ito ng kapitan, naparoon siya sa pinunong-kapitan. Ipinag-bigay alam niya na sinasabi: Mag-ingat ka sa gagawin mo? Ito ay sapagkat ang lalaking ito ay taga-Roma.

27 Lumapit ang pinunong-kapitan at sinabi sa kaniya: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay taga-Roma?

Sinabi niya: Oo.

28 Sumagot ang pinunong-kapitan: Binili ko ng malaking halaga ang pagkamamamayang ito.

Sinabi ni Pablo: Ako ay ipinanganak na gayon.

29 Agad na lumayo sa kaniya ang mga magsisiyasat sana sa kaniya. Ang pinunong-kapitan ay natakot din naman nang malaman na siya ay taga-Roma at sa dahilang siya ang nagpagapos kay Pablo.

Sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, ibig niyang matiyak ang dahilan kung bakit isinakdal siya ng mga Judio. Pinakawalan siya ng kapitan sa pagkagapos at ipinag-utos niyang magpulong ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin. Ipinanaog niya si Pablo at iniharap sa kanila.

Footnotes

  1. Gawa 19:24 Sa salin ng Griyego ay Artemis, sa Latin ay Diana.