Add parallel Print Page Options

Sinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.

Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.

Sa Chipre

Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.

Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.

Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na mangga­gaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.

Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.

12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nang­yari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.

14 Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15 Pagka­tapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.

16 Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18 Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19 Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.

Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta.

21 Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22 Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:

Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse. Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa ng buong kalooban ko.

23 Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24 Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25 Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.

26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28 Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29 Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30 Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31 Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:

Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipina­nganak kita.

34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:

Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.

35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:

Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.

36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.

38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamama­gitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:

41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.

42 Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipina­manhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43 Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.

46 Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:

Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng daigdig.

48 Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50 Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng pala­simba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52 Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Sa Iconio

14 Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego.

Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. Ngunit ang napaka­raming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.

Sa Listra at Derbe

May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10 Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.

11 Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12 Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13 Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.

14 Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15 Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16 Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.

19 Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20 Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.

Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria

21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia.

22 Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23 Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25 Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.

26 Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27 Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksanng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.