Add parallel Print Page Options

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag si Pablo at ang kanyang mga kasama hanggang sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem. 14 Nagpatuloy sila mula sa Perga hanggang Antioquia ng Pisidia. Nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga at umupo. 15 Matapos ang pagbasa mula sa Kautusan at sa Mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong salitang magpapalakas ng loob ng mga tao, sabihin ninyo.” 16 Kaya't tumindig si Pablo at matapos senyasan ang mga tao upang tumahimik, ay nagsabi,

“Mga Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang (A) Diyos ng bayang ito ng Israel ang humirang sa ating mga ninuno, at sila'y ginawa niyang malaking bansa nang sila'y nakipamayan sa Ehipto. At sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, sila'y inilabas doon. 18 (B) Sa loob ng apatnapung taon ay kanyang pinagtiisan sila sa ilang. 19 Nang (C) malipol na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan ay ipinamana sa kanila ang lupain, 20 sa (D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos, sila ay binigyan niya ng mga hukom hanggang sa panahon ni propeta Samuel. 21 (E) Matapos nito'y humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaki mula sa lipi ni Benjamin, si Saul na anak ni Kish. Siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon. 22 (F) Matapos alisin ng Diyos si Saul, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Nagpatotoo ang Diyos tungkol sa kanya, na nagsasabing, ‘Natagpuan kong si David na anak ni Jesse ay isang lalaking malapit sa aking puso. Gagawin niya ang aking buong kalooban.’ 23 Mula sa kanyang salinlahi'y ipinagkaloob ng Diyos sa Israel si Jesus na Tagapagligtas, gaya ng kanyang ipinangako. 24 Bago (G) pa siya dumating ay nangaral na si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel. 25 At (H) samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako ang Cristo. Ngunit masdan ninyo ang dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

26 “Mga kapatid, mga anak ni Abraham, at sa inyong may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salitang ito ng kaligtasan. 27 Sapagkat hindi nakilala ng mga mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno si Jesus. Hindi rin nila nauunawaan na sa kanilang paghatol sa kanya'y tinupad nila ang mga pahayag ng mga propeta na kanilang binabasa tuwing Sabbath. 28 Bagama't (I) wala silang natagpuang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiningi pa rin nila kay Pilato na siya'y patayin. 29 Nang (J) matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya'y kanilang ibinaba mula sa punongkahoy at inilibing. 30 Subalit siya'y ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 31 At (K) sa loob ng maraming mga araw ay nagpakita siya sa mga sumama sa kanya mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Sila ngayon ang kanyang mga saksi sa taong-bayan. 32 Kami ang nangangaral sa inyo ng Magandang Balita, na ang ipinangako ng Diyos sa ating mga ninuno, 33 ay (L) tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus! Gaya ng nasusulat sa ikalawang awit,

    ‘Ikaw ay aking Anak,
    sa araw na ito'y naging Ama mo ako.’

34 (M) Tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkaagnas, ay ganito ang sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pangako kay David.’

35 Sinabi din niya sa iba pang bahagi, (N)

‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkaagnas ang iyong Hinirang.’

36 Matapos maglingkod ni David ayon sa kalooban ng Diyos noong kanyang panahon, siya'y nahimlay at inilibing kasama ng kanyang mga ninuno. Dumanas siya ng pagkaagnas. 37 Subalit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkaagnas. 38 Dahil dito'y dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; 39 at sa pamamagitan niya ang bawat sumasampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, pag-aaring ganap na hindi ninyo makakamit sa Kautusan ni Moises. 40 Kaya nga mag-ingat kayo, na huwag mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta:

41 ‘Tingnan (O) ninyo, mga mapanlibak!
    Manggilalas kayo at mapahamak;
sapagkat isasagawa ko sa inyong panahon,
    ang bagay na hindi ninyo mapaniniwalaan, kahit sabihin sa inyo ng sinuman.’ ”

42 Habang palabas na sina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na muli nilang ituro ang mga salitang ito sa susunod na Sabbath. 43 Nang matapos ang pulong sa sinagoga, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga nahikayat sa Judaismo. Hinikayat sila ng mga apostol na magpatuloy mamuhay ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lungsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon.[a] 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, kaya sinalungat nila ang mga sinasabi ni Pablo at nilait siya.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mga Gawa 13:44 Panginoon, sa ibang manuskrito Diyos.