Add parallel Print Page Options

Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipina­tawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.

Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. Nauna sila at hinintay kami sa Troas. Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.

Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay

Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. May­roong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkaka­tipunan nila. May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kani­yang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso

13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.

14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipina­siya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapa­kumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananam­palataya sa ating Panginoong Jesucristo.

22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.

25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.

32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.

36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.

Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Pagkatapos ng kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Matapos na palakasin ang kanilang loob, nagpaalam si Pablo sa kanila at nagtungo sa Macedonia. Pinuntahan ni Pablo ang mga lupain doon, at pinalakas ang loob ng mga alagad, at nagtungo siya sa Grecia. Nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang maglalakbay na siya patungong Syria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. Sinamahan siya ni Sopatro na taga-Berea, anak ni Pirro, gayundin ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gaio na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. Nauna sila at naghintay sa amin sa Troas. Naglayag naman kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, nagtipon kami upang magpira-piraso ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila hanggang hatinggabi sapagkat aalis siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Eutico. Nakatulog siya nang mahimbing habang patuloy sa pagsasalita si Pablo. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag, kaya't patay na nang damputin. 10 Bumaba si Pablo at siya'y niyakap. “Huwag kayong mabahala,” wika niya. “Buháy siya!” 11 Matapos pumanhik at magpira-piraso ng tinapay, nakipag-usap si Pablo sa kanila hanggang pagsikat ng araw, at siya ay umalis. 12 Iniuwi naman nilang buháy ang bata, at lubusan silang naaliw.

Mula sa Troas Patungo sa Mileto

13 Nauna kaming sumakay sa barko at naglayag patungong Asos. Doon kami makikipagkita kay Pablo, sapagkat ipinasya niyang sa lupa maglakbay. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barko, at sama-sama kaming nakarating sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Chios. Tumawid kami nang sumunod na araw patungong Samos, at pagkaraan ng isang araw pa ay nakarating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablo na lampasan ang Efeso upang hindi na siya magtagal sa Asia, sapagkat siya'y nagmamadali. Ibig niyang makarating sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa Iglesya ng Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpadala siya ng mensahe sa Efeso at ipinatawag ang matatandang namamahala ng iglesya. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,

“Nalalaman ninyo kung paano akong namuhay noong kasama ninyo ako. Mula sa unang araw ng pagtuntong ko sa Asia, 19 naglingkod ako sa Panginoon nang buong pagpapakumbaba, na may luha at pagtitiis sa gitna ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa pagtuturo ko sa inyo, sa harap man ng madla o sa bahay-bahay, hindi ko ipinagkait na ihayag ang anumang bagay na kapaki-pakinabang. 21 Ipinahayag ko sa mga Judio at sa mga Griyego na dapat nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at sumampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 22 At ngayon, bilang isang bilanggo ng Espiritu, patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko'y sa bawat lungsod, ang Banal na Espiritu ang nagpahayag sa akin na mga tanikala at kapighatian ang naghihintay sa akin. 24 Subalit (A) hindi ko itinuturing na mahalaga ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus— ang magpahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 25 At ngayo'y nalalaman kong hindi na ninyo ako makikita pang muli, kayong lahat na aking napuntahan at napangaralan tungkol sa paghahari ng Diyos. 26 Kaya nga sa araw na ito'y sinasabi ko sa inyong hindi ko na ságutin pa ang buhay[a] ng sinuman sa inyo. 27 Sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasyahan ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat itinalaga kayo ng Banal na Espiritu na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[b] na tinubos niya ng kanyang sariling dugo. 29 Alam kong pag-alis ko'y papasok sa gitna ninyo ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na pupuksain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyong mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga kasinungalingan, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. 31 Kaya't mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong may pagluhang nagbigay ako sa inyo ng babala araw at gabi sa loob ng tatlong taon. 32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salitang naghahayag ng kanyang kagandahang-loob, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana kasama ang lahat ng mga hinirang. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ang ginto, o ang damit ninuman. 34 Kayo mismo ang nakaaalam na ginamit ko ang aking mga kamay upang matustusan ang aking mga pangangailangan, gayundin ng aking mga kasamahan. 35 Ipinakita ko sa lahat ng pagkakataon na sa pamamagitan ng ganitong pagsisikap ay dapat ninyong tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’ ” 36 Pagkatapos niyang magsalita, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Nag-iiyakan silang lahat, niyakap, at hinagkan si Pablo. 38 Ikinalulungkot nila nang higit sa lahat ang kanyang sinabi na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Matapos ito, siya'y inihatid nila sa barko.

Footnotes

  1. Mga Gawa 20:26 hindi ko na ságutin pa ang buhay, sa Griyego,malinis sa dugo ng lahat.
  2. Mga Gawa 20:28 Diyos, Sa ibang manuskrito Panginoon.