Add parallel Print Page Options

Kailangan dumaan siya sa Samaria.

Dumating(A) siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.

May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.

Sinabi(B) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[a]

10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”

11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”

13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”

15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”

16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.

17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”

19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”

21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”

26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 4:9 hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano: o kaya'y hindi gumagamit ang mga Judio ng pinggan o tasa ng mga Samaritano .

Kailangan niyang dumaan sa Samaria, (A)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[a] na noon nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) (B)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Juan 4:6 Sa Griyego, ikaanim na oras.