Add parallel Print Page Options

At nang matapos ang hapunan ay inilagay nga ng diyablo sa puso ni Judas na ipagkanulo si Jesus. Si Judas ay taga-Keriot na anak ni Simon. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya nga, siya ay tumindig mula sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siyaay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.

Lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?

Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya: Ang aking ginagawa ay hindi mo nababatid sa ngayon, ngunit mauuna­waan mo rin ito pagkatapos.

Tumugon si Pedro sa kaniya: Kailanman ay hindi mo huhugasan ang aking mga paa.

Sumagot si Jesus sa kaniya: Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.

Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya: Panginoon, hindi lamang ang aking mga paa kundi gayundin ang aking mga kamay at ulo.

10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang taong napaliguan na ay ang paa na lang ang kailangang hugasan. Siya ay lubos nang malinis. Kayo ay malilinis na bagamat hindi lahat. 11 Ito ay sapagkat alam niya kung sino ang magkakanulo sa kaniya. Ito ang dahilan kaya niya sinabi: Hindi ang lahat sa inyo ay malinis.

12 Pagkahugas nga niya ng kanilang mga paa at muling makapagsuot ng kaniyang kasuotan, siya ay umupo. Sinabi niya sa kanila: Naunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon. Tama ang sinasabi ninyo sapagkat ako nga. 14 Yamang ako na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din nga kayong maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong gawin ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Katoto­hanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Ang sinugo ay hindi rin higit na dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam na ninyo ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo kung gagawin ninyo ang mga ito.

Read full chapter

Bago pa man ang hapunan, naipasok na ng diyablo sa puso ni Judas, anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ng Ama ang lahat ng bagay at siya ay nagmula sa Diyos at papunta sa Diyos. Tumayo siya pagkahapunan at naghubad ng kanyang panlabas na damit, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya. Pagdating niya kay Simon Pedro ay nagsabi ito sa kanya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ngayon kung ano ang ginagawa ko, subalit pagkatapos ng mga ito'y maiintindihan mo rin.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi ninyo huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, huwag po ang mga paa ko lamang, pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo!” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangan pang hugasan maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na siya. Kayo'y malinis na, bagama't hindi lahat.” 11 Sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” Sapagkat kilala niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. 12 (A)Matapos niyang hugasan ang kanilang mga paa, nagsuot siya ng kanyang damit at muling naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Naiintindihan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, dahil gayon nga ako. 14 Kaya nga, kung akong inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 (B)Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang mga alipin ay hindi higit kaysa kanilang panginoon, at ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito.

Read full chapter