Jeremias 9
Ang Biblia, 2001
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
2 O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
isang pangkat ng mga taksil!
3 Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
5 Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin,
sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan?
8 Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay;
ito ay nagsasalita nang may kadayaan;
sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa,
ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito.
9 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
sa isang bansa na gaya nito,
hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?
10 “Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol,
at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang,
sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan;
at hindi naririnig ang ungal ng kawan;
ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang
ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na.
11 Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem,
isang pugad ng mga asong-gubat;
at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda,
na walang maninirahan.”
12 Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng Panginoon, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan?
13 At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito,
14 kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin.
16 Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.”
Humingi ng Saklolo ang Jerusalem
17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
‘Tayo'y wasak na wasak!
Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”
20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
at walang magtitipon sa mga iyon!’”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;
24 kundi(A) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”
25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—
26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”