Add parallel Print Page Options

Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma

19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.

At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”

Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.

Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.

Kanilang(A) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”

Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.

At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.

Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”

At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.

10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.

11 At(B) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.

Umalis si Lot sa Sodoma

12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.

13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”

14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.

15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”

16 Subalit(C) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.

17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”

18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!

19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.

20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”

21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.

22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[a]

Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra

23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.

24 At(D) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.

25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.

26 Subalit(E) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.

27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.

28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.

29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[b]

Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita

30 Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae.

31 At sinabi ng panganay sa bunso, “Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa.

32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, “Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”

35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.

36 Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.

37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito.

38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito.

Footnotes

  1. Genesis 19:22 o maliit .
  2. Genesis 19:29 Sa Hebreo ay ni Lot .