Add parallel Print Page Options

Humingi si Esau ng Basbas mula kay Isaac

30 Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso.

31 Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, “Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako.”

32 Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, “Sino ka?” At kanyang sinabi, “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.”

33 At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, “Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!”

34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, “Basbasan mo rin ako, aking ama.”

35 Ngunit sinabi niya, “Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo.”

36 At(A) kanyang sinabi, “Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin.” At kanyang sinabi, “Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?”

37 Sumagot si Isaac kay Esau. “Ginawa ko na siya bilang panginoon mo, at ibinigay ko sa kanya ang lahat niyang mga kapatid bilang mga lingkod, at binigyan ko siya ng trigo at alak. Ano ngayon ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?”

38 Sinabi(B) ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka na bang basbas maliban sa isa, ama ko? Basbasan mo rin ako, ama ko.” At sumigaw si Esau at umiyak.

39 Sumagot(C) si Isaac na kanyang ama,

“Tingnan mo, papalayo sa taba ng lupa ang iyong tahanan,
    at papalayo sa hamog ng langit sa itaas;
40 mabubuhay(D) ka sa pamamagitan ng iyong tabak
    at maglilingkod ka sa iyong kapatid,
at kapag ikaw ay lumaban,
    babaliin mo ang kanyang pamatok na nasa iyong leeg.”

Read full chapter