Exodo 3:1-4:17
Magandang Balita Biblia
Tinawag ng Diyos si Moises
3 Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos. 2 Doon,(A) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. 3 Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”
4 Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”
“Ano po iyon?” sagot niya.
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. 6 Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. 8 Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”
11 Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?”
12 “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
13 Sinabi(B) ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”
14 Sinabi(C) ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga.[b] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. 16 Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 17 Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo.
18 “Papakinggan ka ng aking bayan. Pagkatapos, isama mo ang mga pinuno ng Israel at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, ay nagpakita sa iyo at kayo'y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa akin. 19 Alam kong hindi siya papayag hangga't hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. 20 Kaya't paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis.”
21 Idinugtong(D) (E) pa ng Diyos, “Pagagaanin ko sa inyo ang loob ng mga Egipcio upang may madala kayo pag-alis. 22 Ang inyong mga kababaihan ay manghihingi ng damit, alahas na ginto o pilak sa kanilang mga Egipciong kapitbahay at sa sinumang Egipciong babaing kasama nila sa bahay. Ipasusuot ninyo ang mga ito sa inyong mga anak. Sa ganitong paraan ay mapapasa-inyo ang ari-arian ng mga Egipcio.”
Sinugo ng Diyos si Moises
4 Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?”
2 “Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh.
“Tungkod po,” sagot ni Moises.
3 “Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo. 4 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli. 5 “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh.
6 “Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe. 7 “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati. 8 Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. 9 Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.”
10 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.”
11 Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? 12 Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin.”
13 “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises.
14 Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. 16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. 17 Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.”
Footnotes
- Exodo 3:1 Sinai: o kaya'y Horeb .
- Exodo 3:14 AKO NGA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Yahweh” at “Ako Nga” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.