Bilang 32
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Lahi sa Silangan ng Ilog ng Jordan(A)
32 Napakaraming hayop ng mga lahi nina Reuben at Gad. Kaya nang makita nila na masagana ang lupain ng Jazer at Gilead para sa mga hayop 2 nagpunta sila kina Moises, Eleazar at sa mga pinuno ng mamamayan ng Israel at sinabi, 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Heshbon, Eleale, Sebam, Nebo at Beon – 4 ang mga lugar na sinakop ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita – ay mabuting lugar para sa mga hayop at kami na mga alagad ninyo ay napakaraming hayop. 5 Kaya kung nalulugod kayo sa amin, ibigay ninyo ang mga lupaing ito sa amin, bilang bahagi namin at huwag na ninyo kaming dalhin sa kabila ng Ilog ng Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga lahi nina Gad at Reuben, “Ano ang ibig ninyong sabihin, magpapaiwan na lang kayo rito habang ang mga kapwa ninyo Israelita ay pupunta sa labanan? 7 Pahihinain lang ninyo ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila. 8 Ganito rin ang ginawa noon ng inyong mga ninuno nang ipinadala ko sila mula sa Kadesh Barnea para tingnan ang lupaing ito. 9 Nang makarating sila sa Lambak ng Eshcol, at nakita nila ang lupain, pinahina nila ang loob ng mga Israelita na pumunta sa lupaing ibinigay ng Panginoon sa kanila. 10 Matindi ang galit ng Panginoon nang araw na iyon at sumumpa siya: 11 ‘Dahil sa hindi sila sumunod sa akin nang buong puso nila, wala ni isa man sa kanila na 20 taong gulang pataas na nagmula sa Egipto, ang makakakita ng lupaing ipinangako ko kay Abraham, Isaac, at Jacob, 12 maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune na Kenizeo at kay Josue na anak ni Nun, dahil sumunod sila sa akin nang buong puso nila.’ 13 Nagalit nang matindi ang Panginoon sa mga Israelita, kaya pinaikot-ikot niya sila sa ilang sa loob ng 40 taon hanggang sa nangamatay ang buong henerasyon na gumawa ng masama sa kanyang paningin.
14 “At ngayon, kayo namang lahi ng mga makasalanan ang pumalit sa inyong mga ninuno at dinagdagan pa ninyo ang galit ng Panginoon sa mga Israelita. 15 Kung hindi kayo susunod sa Panginoon, pababayaan niyang muli kayong mga mamamayan dito sa ilang at kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng mga Israelita.”
16 Pero lumapit pa sila kay Moises at sinabi, “Gagawa na lang po kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop at mga lungsod para sa aming mga kababaihan at anak. 17 Pero handa po kaming pangunahan ang aming mga kapwa Israelita sa pakikipaglaban hanggang sa madala namin sila sa kanilang mga lugar. Habang nakikipaglaban kami, dito po maninirahan ang aming mga anak sa napapaderang lungsod na aming ipapatayo para maging ligtas sila sa mga naninirahan sa lupaing ito. 18 Hindi po kami uuwi hanggang sa matanggap ng lahat ng mga Israelita ang lupaing kanilang mamanahin. 19 Pero ayaw naming makatanggap ng lupa kasama nila sa kabila ng Jordan. Mas gusto po namin dito sa bandang silangan ng Jordan dahil nakakuha na kami ng parte namin dito sa silangan ng Jordan.”
20 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kung talagang gagawin ninyo yan, na handa kayo sa pakikipaglaban kasama ang Panginoon, 21 at tatawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Jordan hanggang sa maitaboy ng Panginoon ang kanyang mga kaaway 22 at maangkin ang lupa, maaari na kayong makabalik dito dahil natupad na ninyo ang inyong tungkulin sa Panginoon at sa kapwa ninyo Israelita. At magiging inyo na ang lupaing ito sa harapan ng Panginoon.
23 “Pero kung hindi ninyo ito gagawin, magkakasala kayo sa Panginoon at siguradong pagbabayaran ninyo ang inyong mga kasalanan. 24 Sige, magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga asawaʼt anak at gumawa ng mga kulungan para sa inyong mga hayop, pero dapat ninyong tuparin ang inyong ipinangako.”
25 Sumagot ang mga lahi nina Gad at Reuben kay Moises, “Susundin namin ang inyong mga utos. 26 Maiiwan dito sa mga lungsod ng Gilead ang aming mga asawa, mga anak at mga hayop. 27 Pero kami na iyong mga lingkod na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para makipaglaban ayon sa utos mo sa amin.”
28 Kaya nag-utos si Moises sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno ng lahi ng Israel. 29 Sinabi niya, “Kung ang mga tauhan ng lahi nina Gad at Reuben na may kakayahang makipaglaban ay tatawid sa Jordan para sumama sa pakikipaglaban sa laban ng Panginoon at kung maagaw na ninyo ang lupaing iyon, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead bilang lupain nila. 30 Pero kung hindi sila tatawid kasama ninyo dapat silang tumanggap ng lupa kasama ninyo, roon sa lupain ng Canaan.”
31 Sinabi ng mga lahi nina Gad at Reuben, “Susundin namin kung ano ang sinabi ng Panginoon. 32 Tatawid kami sa Jordan sa presensya ng Panginoon, pero ang mamanahin naming lupain ay ang nasa silangan sa tabi ng Jordan.”
33 Kaya ibinigay ni Moises sa mga lahi nina Gad, Reuben at sa kalahati ng lahi ni Manase na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo at ang kaharian ni Haring Og ng Bashan – ang buong lupain pati na ang lungsod at mga teritoryo sa palibot nito.
34 Itinayong muli ng lahi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atrot Shofan, Jazer, Jogbeha, 36 Bet Nimra at Bet Haran. Ang mga lungsod na ito ay pinalibutan nila ng pader. Gumawa rin sila ng mga kulungan para sa kanilang mga hayop. 37 At itinayong muli ng mga lahi ni Reuben ang Heshbon, Eleale, Kiriataim 38 pati ang mga lugar na tinatawag noon na Nebo at Baal Meon at ang Sibma. Pinalitan nila ang mga pangalan ng mga lungsod na muli nilang itinayo.
39 Sinalakay ng mga angkan ni Makir na anak ni Manase ang Gilead at naagaw nila ito, at itinaboy nila ang mga Amoreo na naninirahan doon. 40 Kaya ibinigay ni Moises ang Gilead sa mga angkan ni Makir, na lahi rin ni Manase at doon sila nanirahan. 41 Naagaw ni Jair na mula rin sa lahi ni Manase, ang mga baryo sa Gilead at tinawag niya itong, “Mga Bayan ni Jair”. 42 Naagaw ni Noba ang Kenat at ang mga baryo sa palibot nito at tinawag niya itong, “Noba” ayon sa pangalan niya.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®