Add parallel Print Page Options

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[a] kung saan naroon ang presensya[b] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[c] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.

Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[d] Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[e] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 6:2 Kahon ng Dios: Ang Kahon ng Kasunduan.
  2. 6:2 presensya: sa literal, tinatawag na pangalan.
  3. 6:5 nang buong kalakasan. Umaawit sila: Itoʼy ayon sa Dead Sea Scrolls, Septuagint at 1 Cro. 13:8. Sa tekstong Masoretic, sa pamamagitan ng mga instrumento na gawa sa kahoy na sipres.
  4. 6:8 Perez Uza: Ang ibig sabihin, biglang pagparusa kay Uza.
  5. 6:10 lungsod niya: sa Hebreo, lungsod ni David. Ganito rin sa talatang 12 at 16.