Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

20 Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. 21 Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing. 22 Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.

23 Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24 Pagka­tapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25 Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26 Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.

27 Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro. 29 Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon.

Read full chapter