1 Pedro 1
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pagbati
1 Mula kay Pedro, apostol ni Jesu-Cristo,
Para sa mga hinirang ng Diyos na naninirahan bilang mga dayuhan at nagsikalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia. 2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:
Nawa'y sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan.
Buháy na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa laki ng kanyang dakilang kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa kamatayan, 4 upang magkamit ng isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas na inihanda sa langit para sa inyo. 5 Kayo'y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang mahahayag sa katapusan ng panahon. 6 Dahil sa mga ito, dapat kayong magalak bagaman sa loob ng maikling panahon ay dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. 7 Nararanasan ninyo ito upang dalisayin ang inyong pananampalataya. Kaya kung paanong pinararaan sa apoy ang ginto, ang inyong pananampalatayang mas mahalaga kaysa gintong nasisira ay pinararaan din sa apoy ng pagsubok upang mapatunayan kung talagang tapat. Kung magkagayon, tatanggap kayo ng papuri, kaluwalhatian at karangalan sa araw ng pagpapahayag kay Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, subalit sumasampalataya kayo sa kanya. Umaapaw na ang inyong puso sa kagalakang di kayang ilarawan ng salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10 Ang kaligtasang ito ay masusing siniyasat at sinuri ng mga propetang nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at kanino matutupad ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang kanyang unang ipahayag ang mga pagdurusang mararanasan ni Cristo at ang kaluwalhatian pagkatapos nito. 12 Nang ipahayag sa kanila ito, ipinaunawa ng Diyos sa kanila na ang ginagawa nila'y hindi para sa kanila kundi para sa inyo. Sinabi na sa inyo ang mga bagay na ito ng mga nangaral ng Magandang Balita sa pamamagitan ng Banal na Espiritung isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel ay nasasabik na maunawaan ang mga bagay na ito.
Panawagan Tungo sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya't ihanda na ninyo ang inyong isipan para sa dapat ninyong gawin.[a] Magpigil kayo sa sarili at lubos na asahan ang pagpapalang mapasasainyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong mabuhay sa masasamang hilig na ginagawa ninyo noong wala pa kayong kaalaman. 15 Sa halip, kung paanong banal ang Diyos na tumawag sa inyo, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa. 16 Sapagkat (A) nasusulat, “Maging banal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Dahil tinatawag ninyong Ama ang Diyos na hindi nagtatangi sa kanyang paghatol sa mga gawa ng tao, mamuhay kayong may takot sa kanya sa buong panahon ng inyong pagiging dayuhan. 18 Alam ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. At ang ipinantubos sa inyo'y hindi mga bagay na nasisira tulad ng pilak o ginto, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo, tulad sa korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga na siya ng Diyos bago pa nilikha ang sanlibutan, ngunit ipinahayag sa katapusan ng panahon dahil sa inyo. 21 Sa pamamagitan ni Cristo ay sumampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay at nagparangal sa kanya, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. 22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira kundi sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat, (B)
“Ang lahat ng tao'y gaya ng damo,
at lahat ng kaluwalhatian nila'y tulad ng bulaklak sa parang.
Ang damo'y natutuyo,
at nalalanta ang bulaklak,
25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Footnotes
- 1 Pedro 1:13 Sa Griyego, bigkisin ninyo ang mga baywang ng inyong pag-iisip.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.