1 Hari 15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(A)
15 Noong ika-18 taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abijah. 2 Sa Jerusalem tumira si Abijah, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca na apo[a] ni Absalom.[b]
3 Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ni David na kanyang ninuno. 4 Pero dahil kay David, niloob ng Panginoon na kanyang Dios, na patuloy na magmumula sa angkan niya ang maghahari[c] sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng anak na papalit sa kanyang trono upang pangunahan at patatagin ang Jerusalem. 5 Dahil ginawa ni David ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at noong nabubuhay pa siya, hindi siya sumuway sa utos ng Panginoon, maliban lang sa ginawa niya kay Uria na Heteo.
6-7 Gayon pa man, palagi pa ring naglalaban sina Rehoboam at Jeroboam. At nang huli, sina Abijah naman at Jeroboam ang naglaban. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 8 Nang mamatay si Abijah, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda(B)
9 Naging hari ng Juda si Asa noong ika-20 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 10 Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng 41 taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom. 11 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon, katulad ni David na kanyang ninuno. 12 Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na pinagsasambahan nila, at ipinatanggal ang lahat ng dios-diosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno. 13 Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng kasuklam-suklam na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga simbolong ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 14 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya. 15 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at ang iba pang mga bagay na inihandog niya, at ng kanyang ama sa Panginoon.
16 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha na hari ng Israel. 17 Nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda, at pinalibutan niya ng pader ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 18 Pinagkukuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga bodega ng templo ng Panginoon at sa kanyang palasyo. Ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga opisyal at inutusan niya sila na dalhin ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[d] doon sa Damascus kung saan ito nakatira. Si Ben Hadad ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion. 19 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan tulad ng ginawa ng mga magulang natin. Tanggapin mo ang mga regalo ko sa iyo na ginto at pilak. Hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
20 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, ang buong Kineret at ang buong Naftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasha, pinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama, at bumalik siya sa Tirza. 22 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasha sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.
23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa. 24 At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Nadab sa Israel
25 Naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari si Nadab sa Israel sa loob ng dalawang taon. 26 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
27 Ngayon, si Baasha na anak ni Ahia, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasha si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo. 28 Ang pagpatay ni Baasha kay Nadab ay nangyari noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasha ang pumalit kay Nadab bilang hari. 29 Nang magsimulang maghari si Baasha, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahia na taga-Shilo. 30 Dahil nagalit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha.
Ang Paghahari ni Baasha sa Israel
33 Naging hari ng Israel si Baasha na anak ni Ahia noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza tumira si Baasha, at naghari siya roon sa loob ng 24 na taon. 34 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
Footnotes
- 15:2 apo: Si Maaca ay anak ni Uriel na asawa ni Tamar. Si Tamar naman ay anak ni Absalom. Ganito rin sa talatang 10.
- 15:2 Absalom: sa Hebreo, Abisalom, na siya ring si Absalom.
- 15:4 niloob ng Panginoon … ang maghahari: sa literal, binigyan siya ng Panginoon na kanyang Dios ng ilaw.
- 15:18 Aram: o, Syria.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®