Add parallel Print Page Options

Humingi ng Hari ang mga Israelita

Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel. Joel ang pangalan ng panganay at Abijah naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beersheba, pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.

Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama. Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.” Pero sumama ang loob ni Samuel sa hiniling nila, kaya nanalangin siya sa Panginoon. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Gawin mo ang ipinapagawa nila sa iyo, hindi ikaw ang tinatanggihan nila kundi ako. Mula nang ilabas ko sila sa Egipto hanggang ngayon, itinakwil nila ako at nagsisunod sa ibang mga dios. Ngayon, ganyan din ang ginagawa nila sa iyo. Kaya gawin mo ang kahilingan nila, pero bigyan mo sila ng babala kung ano ang gagawin ng haring mamumuno sa kanila.”

10 Sinabi ni Samuel sa mga Israelitang humihingi ng hari ang lahat ng sinabi ng Panginoon. 11 Sinabi niya, “Ito ang gagawin ng hari na mamumuno sa inyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki at gagawin niyang mga sundalo. Ang ibaʼy gagawin niyang mga mangangarwahe, mangangabayo at ang ibaʼy mauuna sa kanyang karwahe. 12 Ang iba sa kanilaʼy gagawin niyang opisyal na mamamahala sa 1,000 sundalo at ang iba naman sa 50 sundalo. Ang ibaʼy pag-aararuhin niya sa kanyang bukid at ang ibaʼy pag-aanihin ng mga pananim niya, ang iba namaʼy gagawin niyang manggagawa ng mga armas para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang karwahe. 13 Kukunin niya ang mga anak ninyong babae at gagawin niyang mga manggagawa ng pabango, kusinera at panadera. 14 Kukunin niya ang pinakamaganda ninyong mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at ibibigay niya ang mga ito sa mga tagasunod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong mga trigo at mga ubas, at ibibigay niya sa mga opisyal at iba pa niyang mga tagasunod. 16 Kukunin din niya ang mga alipin nʼyong lalaki at babae, at ang pinakamaganda ninyong mga baka at mga asno para magtrabaho sa kanya. 17 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng mga hayop ninyo, at pati kayo ay gagawin niyang mga alipin. 18 Pagdating ng araw na iyon, dadaing kayo sa Panginoon dahil sa kalupitan ng hari na pinili ninyo, pero hindi niya kayo sasagutin.”

19 Pero hindi nakinig kay Samuel ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi maaari! Gusto namin na may haring mamamahala sa amin. 20 At magiging tulad kami ng ibang mga bansa, na may haring namamahala at nangunguna sa amin sa digmaan.” 21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng sinabi ng mga tao, sinabi niya ito sa Panginoon. 22 Sumagot ang Panginoon sa kanya. “Gawin mo ang sinabi nila, bigyan mo sila ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Sige, pumapayag na ako, magsiuwi na kayo sa mga bayan ninyo.”

'1 Samuel 8 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Ang bayan ay humingi ng hari.

At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang (A)ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.

Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa (B)Beer-seba.

At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi (C)lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at (D)tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.

Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;

At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y (E)lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.

Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't (F)hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila (G)ako, upang huwag akong maghari sa kanila.

Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.

Ngayon nga'y (H)dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, (I)at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.

Si Samuel ay tumutol nguni't sumangayon din sa mahigpit nilang paghingi.

10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.

11 At kaniyang sinabi, (J)Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;

12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang (K)umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.

13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging (L)mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.

14 (M)At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.

15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.

16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.

17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.

18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; (N)at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.

19 Nguni't tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;

20 Upang kami naman ay (O)maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.

21 At narinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, at kaniyang mga isinaysay sa pakinig ng Panginoon.

22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, (P)Dinggin mo ang kanilang tinig at lagyan mo sila ng hari. At sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, Yumaon ang bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang bayan.