Add parallel Print Page Options

Nang si Jesus ay bumangon sa unang araw ng sanlinggo, siya ay unang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. Siya ang babaeng na may pitong demonyo na pinalabas ni Jesus. 10 Umalis si Maria at isinalaysay ito sa mga naging kasama ni Jesus na namimighati at tumatangis. 11 Isinalaysay niya na si Jesus ay buhay at kaniyang nakita. Ngunit nang marinig nila ito, hindi nila ito pinaniwalaan.

12 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakita si Jesus sa dalawang alagad sa ibang kaanyuan. Siya ay nagpakita habang ang mga ito ay naglalakad patungo sa kanilang bukid. 13 Nang bumalik sila ay isinalaysay nila ito sa mga iba nilang kasama. Hindi rin sila naniwala sa kanila.

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

14 Pagkatapos nito, nagpakita siya sa labing-isang alagad habang sila ay nakadulog sa hapag kainan. Pinagwikaan niya sila sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso. Ito ay sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salita ng mga nakakita sa kaniya na muling nabuhay.

15 Sinabi niya sa kanila: Humayo kayo sa buong sanlibutan. Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. 16 Ang sinumang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ang sinumang hindi sumampalataya ay hahatulan. 17 Sa mga sumasampalataya ay susunod ang mga tandang ito: Palalabasin nila ang mga demonyo sa aking pangalan. Makakapagsalita sila ng mga bagong wika. 18 Makakadampot sila ng mga ahas. Kapag uminom sila ng anumang bagay na nakakamatay, hindi sila mapipinsala niyaon sa anumang paraan. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa may mga karamdaman at bubuti sila.

19 Kaya nga, pagkatapos magsalita ng Panginoon sa kanila, siya ay dinalang paitaas sa langit at umupo sa kanang tabi ng Diyos. 20 Ang mga alagad ay umalis at nangaral kahit saang dako. Ang Panginoon ay kasama nilang gumagawa. Pinag­titibay niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng mga tandang sumusunod dito. Siya nawa!

Read full chapter

ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(A)

[Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(B)

12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.

Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(C)

14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (D) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[a] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(E)

19 Pagkatapos (F) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]

Read full chapter

Footnotes

  1. Marcos 16:15 o magandang balita.
  2. Marcos 16:20 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.