1 Cronica 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Lipi ni Ruben
5 Ito(A) ang mga anak ni Ruben, ang panganay ni Jacob. (Kahit na siya'y panganay, inalisan siya ng karapatan ng pagkapanganay sapagkat dinungisan niya ang dangal ng kanyang ama. Ang karapatang ito'y ibinigay sa mga anak ni Jose, na anak ni Jacob. 2 Bagama't(B) ang lipi ni Juda ang kinilalang pangunahin sa magkakapatid at isang pinuno ang nagmula sa kanya, ang karapatan ng pagkapanganay ay iginawad kay Jose.) 3 Ang mga anak ni Ruben ay sina Hanoc, Pallu, Hezron at Carmi.
4 Anak ni Joel si Semaias na ama ni Gog. Anak ni Gog si Simei na ama ni Mica. 5 Anak ni Mica si Reaias na ama ni Baal. 6 Anak(C) ni Baal si Beera, ang pinuno ng mga Rubenita na dinalang-bihag ni Tiglat-pileser sa Asiria. 7 Ito ang listahan ng mga sambahayan at angkang nagmula sa lipi ni Ruben: ang mga pinunong sina Jeiel, Zacarias, 8 at Bela na anak ni Azaz at apo ni Sema mula sa angkan ni Joel. Ang angkang ito ay tumira sa Aroer, at ang kanilang lupain ay abot sa Nebo at Baal-meon. 9 Dahil marami silang kawan sa lupain ng Gilead, tumira rin sila sa gawing silangan hanggang sa tabi ng ilang na ang dulo ay nasa Ilog Eufrates.
10 Noong panahon ni Haring Saul, sinalakay at tinalo ng mga Rubenita ang mga Hagrita, at tumira sila sa lupain ng mga ito sa silangang panig ng Gilead.
Ang Lipi ni Gad
11 Sa dakong hilaga ni Ruben nanirahan ang mga anak ni Gad, mula sa lupain ng Bashan hanggang Saleca. 12 Sa Bashan, ang pinuno ng unang angkan ay si Joel, at si Safam naman ang sa pangalawang angkan. Sina Janai at Safat ay mga pinuno rin ng iba pang angkan doon. 13 Kabilang pa rin sa lipi ni Gad sina Micael, Mesulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Eber. Ang pitong ito 14 ay mga anak ni Abihail na anak ni Huri at apo ni Jaroa. Si Jaroa ay anak ni Gilead at apo ni Micael na anak ni Jesisai. Si Jesisai ay anak ni Jahdo at apo ni Buz. 15 Ang kanilang pinuno ay si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni. 16 Nanirahan ang mga ito sa mga bayang sakop ng Bashan at Gilead hanggang sa malawak na pastulan ng Saron. 17 Ang mga talaang ito ay isinaayos nang si Jotam ay hari ng Juda, at si Jeroboam naman ang hari sa Israel.
18 Matatapang ang mga kawal ng mga lipi nina Ruben at Gad, gayundin ng kalahating lipi ni Manases. Sila'y mga sanay na mandirigma; bihasa sa paggamit ng kalasag, tabak, at pana. Binubuo sila ng 44,760 kawal. 19 Nakipagdigma sila laban sa mga Hagrita, Jetur, Nafis at Nodab. 20 Nagtitiwala sila sa Diyos at laging nananalangin sa kanya. Dinirinig naman sila at laging tinutulungan. Dahil dito'y nalupig nila ang kanilang mga kaaway. 21 Ito ang nasamsam nilang hayop: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. May 100,000 kawal naman ang kanilang nabihag. 22 Marami silang napatay sa kanilang mga kaaway, sapagkat ang Diyos ang nanguna sa kanila. Patuloy silang nanirahan sa lupaing iyon hanggang sa sila'y dalhing-bihag sa ibang bansa.
Kalahati ng Lipi ni Manases
23 Ang kalahating lipi ni Manases ay napakarami. Kumalat sila sa iba't ibang lupain mula sa Bashan, Baal-hermon, Senir hanggang sa Bundok ng Hermon. 24 Ito ang mga pinuno ng kanilang mga angkan: sina Efer, Isi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias at Jahdiel. Sila'y magigiting na mandirigma at mga tanyag na pinuno ng kani-kanilang angkan.
25 Ngunit ang mga liping ito ay hindi nanatiling tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan ng mga bansang pinalayas ng Diyos. 26 Kaya't(D) inudyukan ng Diyos ng Israel si haring Pul ng Asiria, na tinatawag ding Tiglat-Pileser, na salakayin ang Israel. Binihag nito ang mga Rubenita, Gadita at ang kalahating lipi ni Manases. Dinala sila sa Hala, Habor, Hara at sa tabi ng Ilog Gozan.