Hosea 13
Magandang Balita Biblia
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Noong una, kapag nagsalita si Efraim,
ang mga tao ay nanginginig sa takot,
sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel.
Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
2 Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan.
Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan.
Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito!
At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
3 Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga
o sa hamog na madaling naglalaho;
gaya ng ipa na inililipad ng hangin,
gaya ng usok na tinatangay sa malayo.
4 Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos.
Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto.
Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako,
at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
5 Kinalinga(A) ko kayo sa ilang,
sa lupaing tuyo at tigang.
6 Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo;
at kinalimutan na ninyo ako.
7 Kaya naman, kayo'y lalapain kong gaya ng leon,
gaya ng isang leopardong nag-aabang sa tabing daan.
8 Susunggaban ko kayo, gaya ng osong inagawan ng anak,
lalapain ko kayo gaya ng isang leon,
gaya ng paglapa ng isang hayop na mabangis.
9 Wawasakin kita, Israel;
sino ang sasaklolo sa iyo?
10 Nasaan(B) ngayon ang iyong hari na magliligtas sa iyo?
Nasaan ang hari at ang mga pinunong sa akin ay hiningi mo?
11 Sa(C) galit ko sa inyo'y binigyan ko kayo ng mga hari,
at dahil din sa aking poot, sila'y inaalis ko.
12 “Inilista ko ang ginagawang kalikuan ni Efraim,
tinatandaan kong mabuti para sa araw ng paniningil.
13 Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay,
ngunit ito'y kanyang tinanggihan.
Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan.
Siya'y anak na suwail at mangmang!
14 Hindi(D) ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay.
Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan.
Kamatayan, pahirapan mo sila.
Libingan, parusahan mo sila.
Wala na akong nalalabing awa sa kanila.
15 Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo,
may darating na hangin mula kay Yahweh,
ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang,
tutuyuin ang kanyang mga batis
at aagawin ang kanyang yaman.
16 Mananagot ang Samaria,
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos.
Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya.
Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol,
at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.