Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 72

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
    mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
    ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
    at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
    na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
    Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
    Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
    At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
    kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
    Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
    at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Bilang 24:15-19

Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam

15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[a] 16 Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.[b] Ito ang aking mensahe:

17 “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari[c] sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18 Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19 Mamumuno ang isang pinuno sa Israel[d] at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”

Lucas 1:67-79

Ang Pahayag ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu ang ama ni Juan na si Zacarias at kanyang ipinahayag:

68 “Purihin ang Panginoong Dios ng Israel!
    Sapagkat inalala niya at tinubos ang kanyang bayan.
69 Sinugo niya sa atin ang makapangyarihang Tagapagligtas mula sa angkan ng lingkod niyang si David.
70 Itoʼy ayon sa ipinangako niya noon pang unang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta.
71 Ipinangako niya na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.
72 Kaaawaan niya ang ating mga ninuno, at tutuparin ang banal niyang kasunduan sa kanila
73 na ipinangako niya sa ninuno nating si Abraham.
74 Ayon nga sa kanyang kasunduan, ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway upang makapaglingkod tayo sa kanya nang walang takot,
75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo ay nabubuhay.”
76 Sinabi naman ni Zacarias sa anak niya,
    “Ikaw naman, anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Dios,
    dahil mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa kanyang pagdating.
77 Ituturo mo sa mga mamamayan niya kung paano sila maliligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan,
78 dahil maawain at mapagmahal ang ating Dios.
Tulad ng pagsikat ng araw, ipapadala niya sa atin ang Tagapagligtas 79     upang maliwanagan ang mga taong nasa kadiliman at takot sa kamatayan.
    At tuturuan niya tayo kung paano mamuhay nang may mabuting relasyon sa Dios at sa kapwa.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®