Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 72

Awit ni Solomon.

72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
    at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
    at ang iyong dukha ng may katarungan!
Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
    at ang mga burol, sa katuwiran!
Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
    magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
    at ang mapang-api ay kanyang durugin!

Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
    at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
    gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
    at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.

Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
    at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
    at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
    ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
    ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
    lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!

12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
    ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
    at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
    at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.

15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
    at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
    at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
    sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
    ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
    gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
    ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
    at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
    mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.

20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.

Mikas 5:2-9

Ngunit(A) ikaw, Bethlehem sa Efrata,
    na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,
mula sa iyo ay lalabas para sa akin
    ang isa na magiging pinuno sa Israel;
na ang pinagmulan ay mula nang una,
    mula nang walang hanggan.
Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon
    na siya na nagdaramdam ay manganak;
kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik
    sa mga anak ni Israel.
At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng Panginoon,
    sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Diyos.
At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila
    hanggang sa mga dulo ng lupa.
At ang isang ito ay magiging kapayapaan.
    Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain,
    at kapag tinapakan niya ang ating mga muog,
kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol,
    at walong pinuno ng mga tao.
Kanilang(B) pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria,
    at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon,
at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria,
    kapag siya'y sumalakay sa ating lupain,
    at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan.

At ang nalabi sa Jacob
ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon
    sa gitna ng maraming bayan,
parang ulan sa damo
    na hindi naghihintay sa tao,
    ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
At ang nalabi sa Jacob
    ay makakasama ng mga bansa,
    sa gitna ng maraming bayan,
parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat,
    parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
na kapag siya'y dumaan, yumapak
    at lumapa, at walang magligtas.
Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway,
    at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway.

Lucas 13:31-35

Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(A)

31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”

32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.

33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’

34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!

35 Tingnan ninyo,(B) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001