Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 6

Panalangin para Tulungan ng Dios

O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
    dahil akoʼy nanghihina na.
O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
    Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
    Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
    sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
    Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
    dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.

Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
    dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
    at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
    kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.

2 Hari 7:3-10

Huminto ang mga Arameo sa Paglusob

May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[a] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”

Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.

Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”

10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”

1 Corinto 10:14-11:1

14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.

18 Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. 19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?

23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”

27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.

Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.

11 Kaya nga, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®