Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
21 Pero kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala na lang siya ng isang lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala pa siya ng isang basong langis. 22 Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Alinman ang kanyang makakayanan sa mga ito, ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.
23 Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa presensya ng Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya ito sa pari. 24 Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang pambayad ng kasalanan at ang isang basong langis, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 25 Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki niya sa kanang kamay at paa. 26 Pagkatapos, maglalagay ang pari ng langis sa kanyang kaliwang palad, 27 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 28 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa, doon mismo sa pinahiran ng dugo. 29-31 Ang natirang langis sa palad ng pari ay ipapahid sa ulo ng tao. Pagkatapos, ihahandog ng pari ang dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isaʼy handog sa paglilinis at ang isaʼy para sa handog na sinusunog. Ihahandog din niya ang handog ng pagpaparangal. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari sa presensya ng Panginoon, maaalis ang karumihan ng tao. 32 Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat at kung ano ang dapat niyang gawin kung hindi niya kaya ang handog sa paglilinis.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8 Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®