Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Leviticus 14:1-20

Paglilinis ng Tao Matapos Gumaling sa Nakakahawang Sakit sa Balat.

14 1-2 Ito ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa paglilinis ng taong gumaling sa malubhang sakit sa balat:

Pagkatapos maipahayag ng pari na ang taoʼy gumaling na sa kanyang sakit, lalabas ang pari sa kampo at susuriin niya ang katawan ng taong iyon. Kung gumaling na nga siya sa kanyang sakit, magpapakuha ang pari ng dalawang malinis[a] na ibong buhay, isang putol na kahoy na sedro, panaling pula, at isang kumpol ng halaman na isopo. Ipapatay ng pari ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig na galing sa isang bukal. Pagkatapos, muli siyang kukuha ng buhay na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon. At ang tubig na may dugo ay kanyang iwiwisik ng pitong beses sa taong gumaling sa kanyang sakit sa balat, at kanyang ipapahayag na magaling na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buhay na ibon sa bukid.

Pero bago siya ituring na malinis, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo.

10 Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taong gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis. 11 Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang handog niya sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan.

12 Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis, at ihahandog niya ito bilang handog na pambayad ng kasalanan. Pagkatapos, itataas niya ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 13 At papatayin niya ang tupa sa Banal na Lugar, doon sa pinagpapatayan ng mga handog sa paglilinis at handog na sinusunog. Ang tupang ito na handog ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog na pambayad ng kasalanan. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog na pambayad ng kasalanan at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog at sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa. 15 Kukuha rin ang pari ng langis at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad, 16 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 17 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa ng taong pinahiran niya mismo ng dugo. 18-20 Ang natitira pang langis sa palad ng pari ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon, at saka niya ihahandog ang handog sa paglilinis. Pagkatapos nito, papatayin ng pari ang handog na sinusunog at ihahandog niya ito sa altar pati ang handog ng pagpaparangal. Ganito ang gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para matubos ang karumihan ng tao at magiging malinis siya.

Gawa 19:11-20

11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu. 13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®