Zefanias 1
Magandang Balita Biblia
Ang Araw ng Paghatol ni Yahweh
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zefanias, anak ni Cusi at apo ni Gedalias; si Gedalias ay anak ni Amarias at apo ni Hezekias. Tinanggap ni Zefanias ang pahayag na ito nang si Josias na anak ni Ammon ang hari sa Juda.
2 “Wawasakin ko ang lahat ng bagay
sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh.
3 “Pupuksain ko ang lahat ng tao at hayop;
papatayin ko ang mga ibon sa himpapawid
at ang mga isda sa dagat.
Ibabagsak ko ang masasama;
lilipulin ko ang sangkatauhan
sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh.
4 “Paparusahan ko ang lahat ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem.
Wawasakin ko rin sa dakong ito ang mga nalalabing bakas ng pagsamba kay Baal
at lubusan nang malilimutan ang mga paring naglilingkod sa mga diyus-diyosan.
5 Kabilang dito ang mga umaakyat sa kanilang bubungan
upang sumamba sa araw, sa buwan at sa mga bituin.
Ang mga taong kunwa'y nanunumpa sa pangalan ni Yahweh
ngunit sa pangalan naman pala ni Milcom;
6 silang mga tumalikod na sa paglilingkod kay Yahweh
at hindi na humihingi ng patnubay sa kanya.”
7 Tumahimik kayo sa harapan ng Panginoong Yahweh!
Sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
Inihanda na niya ang kanyang bayan upang ialay,
at inanyayahan niya ang kanyang mga panauhin upang wasakin ang Juda.
8 Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh,
“Paparusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari,
gayundin ang lahat ng tumutulad sa pananamit ng mga dayuhan.
9 Paparusahan ko rin ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan,
gayundin ang mga nagnanakaw at pumapatay
upang may mailagay lamang sa bahay ng kanilang panginoon.”
10 Sinabi rin ni Yahweh, “Sa araw na iyon,
maririnig ang malakas na pagtangis ng mga tao sa pintuang tinatawag na Isda,
mga panaghoy mula sa bagong bahagi ng lunsod,
at malalakas na ingay dahil sa pagguho ng mga gusali sa mga burol.
11 Tumangis kayo, mga naninirahan sa mababang lugar ng lunsod!
Patay nang lahat ang mga mangangalakal;
ang mga nagtitimbang ng pilak ay wala na.
12 “Sa panahong iyon ay gagamit ako ng ilawan
upang halughugin ang Jerusalem.
Paparusahan ko ang mga taong labis na nagtitiwala sa sarili
at nagsasabing,
‘Si Yahweh ay walang gagawin para sa ating ikabubuti o ikasasamâ.’
13 Sasamsamin ang kanilang kayamanan,
at sisirain ang kanilang mga bahay.
Magtatayo sila ng mga bahay ngunit hindi nila matitirhan;
magtatanim sila ng mga ubas ngunit hindi sila makakatikim ng alak nito.”
14 Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh,
at ito'y mabilis na dumarating.
Kapaitan ang dulot ng araw na iyon;
maging ang matatapang ay iiyak nang malakas.
15 Iyon ay araw ng poot, ligalig at dalamhati,
araw ng pagkasira at pagkawasak,
araw ng kadiliman at kalungkutan,
araw ng maitim at makakapal na ulap.
16 Araw ng pagtunog ng trumpeta at ng sigawan ng mga sumasalakay
sa mga napapaderang lunsod at nagtataasang tore.
17 Padadalhan ko ng matinding kalungkutan ang mga tao;
lalakad sila na parang bulag,
sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh.
Mabubuhos na parang tubig ang kanilang dugo,
at mangangalat ang kanilang bangkay na parang basura.
18 Hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto
sa araw ng poot ni Yahweh.
Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughuing poot
ang buong daigdig,
sapagkat bigla niyang wawasakin
ang lahat ng naninirahan sa lupa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.