Panaghoy 4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
4 Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng kumupas na ginto o ng mamahaling bato na nagkalat sa lansangan. 2 Kung katulad sila ng tunay na ginto noon, ngayon namaʼy itinuturing na parang mga palayok na gawa sa putik. 3 Kahit na ang mga asong-gubat ay pinasususo ang kanilang mga tuta, pero ang mga mamamayan koʼy naging malupit sa kanilang mga anak, gaya ng malalaking ibon[a] sa disyerto.
4 Dumidikit na sa ngala-ngala ng mga sanggol ang mga dila nila dahil sa uhaw. Humihingi ng pagkain ang mga bata pero walang nagbibigay sa kanila. 5 Ang mga taong dati ay kumakain ng masasarap, ngayoʼy namamatay na sa gutom sa mga lansangan. Ang mga dating lumaking mayaman, ngayoʼy naghahalungkat ng makakain sa mga basurahan. 6 Ang parusa sa aking mga kababayan ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodom, na biglang winasak ng Dios at ni walang tumulong. 7 Ang mga pinuno ng Jerusalem, nooʼy malulusog at malalakas ang katawan. Nakakasilaw ang kanilang kaputian gaya ng snow o gatas, at mamula-mula ang kutis tulad ng mga mamahaling bato. 8 Pero ngayon, hindi na sila makilala at mas maitim pa kaysa sa uling. Mga butoʼt balat na lamang sila at parang kahoy na natuyo. 9 Di-hamak na mas mabuti pa ang mga namatay sa digmaan kaysa sa mga namatay sa gutom na unti-unting namatay dahil sa walang makain. 10 At dahil sa kapahamakang ito na nangyari sa aking mga kababayan, ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak para kainin dahil sa labis na gutom.
11 Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem, sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito. 12 Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo pati na ang kanilang mga nasasakupan, na mapapasok ng mga kaaway ang mga pintuan ng Jerusalem. 13 Pero nangyari ito dahil sa kasalanan ng mga propeta at mga pari nito na pumatay ng mga taong walang kasalanan. 14 Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan na parang mga bulag. Puno ng dugo ang kanilang mga damit, kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila. 15 Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo. Huwag nʼyo kaming hipuin.” Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa pero walang tumanggap sa kanila. 16 Ang Panginoon ang siyang nagpangalat sa kanila at hindi na niya sila pinapansin. Hindi na iginagalang ang mga pari at ang mga tagapamahala.
17 Lumalabo na ang aming paningin sa kahihintay ng tulong ng aming mga kakamping bansa, pero hindi sila tumulong sa amin. Sa mga tore namin ay nagbantay kami at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito na hindi rin makapagliligtas sa amin. 18 Binabantayan ng mga kaaway ang mga kilos namin. Hindi na kami makalabas sa mga lansangan. Bilang na ang mga araw namin; malapit na ang aming katapusan. 19 Ang mga kaaway na tumutugis sa amin ay mas mabilis pa kaysa sa agila. Tinutugis kami sa mga bundok at inaabangan kami sa disyerto para salakayin. 20 Nahuli nila ang aming hari na hinirang ng Panginoon, ang inaasahan naming mangangalaga sa amin mula sa mga kaaway naming bansa.
21 Magalak kayo ngayon, mga angkan ni Edom na nakatira sa lupain ng Uz. Dahil kayo man ay paiinumin din sa tasa ng parusa ng Panginoon. Malalasing din kayo at malalagay sa kahihiyan. 22 Mga taga-Jerusalem, matatapos na ang parusa ninyo. Hindi magtatagal ay pauuwiin na kayo ng Panginoon mula sa lugar na ito na pinagdalhan sa inyo nang bihagin kayo. Pero kayong mga taga-Edom, parurusahan kayo ng Panginoon dahil sa inyong mga kasalanan at ibubunyag niya ang inyong kasamaan.
Footnotes
- 4:3 malalaking ibon: sa Ingles, “ostrich.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®