Panaghoy 2
Magandang Balita Biblia
Pinarusahan ni Yahweh ang Jerusalem
2 Sa matinding galit ni Yahweh, ipinahiya niya ang Zion!
Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel;
sa araw ng kanyang poot nakalimutan niyang Zion ang kanyang tuntungan.
2 Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda;
ang kaharian at mga pinuno nito'y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
3 Sa tindi ng kanyang galit ay iginupo niya ang hukbo ng Israel;
hindi niya kami tinulungan nang dumating ang kaaway.
Nag-aalab ang galit niya sa amin, gaya ng paglamon ng apoy sa buong paligid.
4 Para siyang kaaway, tinudla niya kami ng pana,
at nilipol ang lahat ng kinalulugdan nami't ipinagmamalaking mamamayan.
Ibinuhos niya sa Jerusalem ang tindi ng kanyang galit, parang isang apoy na sa kanya'y tumupok.
5 Tulad ng kaaway, winasak ni Yahweh ang Israel.
Giniba niya ang mga palasyo at lahat ng kuta;
inilagay niya ang Juda sa walang katapusang pagdadalamhati.
6 Pinaguho niya ang tabernakulo nito gaya ng isang halamanan;
winakasan ni Yahweh ang mga itinakdang pista at Araw ng Pamamahinga,
at itinakwil niya ang mga hari at mga pari dahil ang kanyang galit ay matindi.
7 Itinakwil ni Yahweh ang kanyang altar, tinalikuran ang kanyang templo;
ipinagiba niya sa mga kaaway ang mga pader nito.
Dahil sa kanilang tagumpay, nagkaingay sa tuwa ang mga kaaway sa lugar na dati'y buong galak naming pinagdarausan ng pagsamba.
8 Ipinasya ni Yahweh na wasakin ang pader ng Zion,
itinakda niya ang ganap na pagkasira nito; hindi niya iniurong ang kanyang balak na pagwasak.
Ngayon, ang muog at ang kuta ay nakaguho.
9 Gumuho na rin ang mga pintuang-bayan, bali ang mga panara nito, pati na rin ang mga tarangkahan.
Nangalat sa mga bansa ang kanyang hari at mga pinuno; wala nang kautusang umiiral,
at wala na ring pangitain mula kay Yahweh ang kanyang mga propeta.
10 Tahimik na nakalugmok sa lupa
ang pinuno ng Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nakasuot ng damit-panluksa.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod, ang mukha'y halos sayad sa lupa.
11 Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Bagbag na bagbag ang aking kalooban.
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan;
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.
12 Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang mga hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
13 Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem, Jerusalem, lunsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika'y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan; tila wala nang pag-asa.
14 Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.
15 O lunsod ng Jerusalem,
hinahamak ka't pinagtatawanan ng lahat ng nagdaraan.
Sinasabi nila, “Ito ba ang lunsod na huwaran ng kagandahan? Ito ba ang kagalakan ng lahat ng bansa?”
16 Iniismiran ka ng iyong mga kaaway at kanilang sinasabi,
“Nawasak na rin natin siya!
Sa wakas bumagsak din siya sa ating mga kamay.”
17 Isinagawa nga ni Yahweh ang kanyang balak; tinupad niya ang kanyang banta.
Walang awa niya tayong winasak;
pinagtagumpay niya ang ating kaaway at dinulutan ng kagalakan sa paglupig sa atin.
18 Dumaing ka nang malakas kay Yahweh, Jerusalem.
Araw-gabi, hayaan mong umagos ang iyong luha gaya ng ilog;
huwag kang tumigil sa iyong pag-iyak.
19 Bumangon ka't humiyaw nang paulit-ulit sa magdamag, sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Tulad ng tubig, ibuhos mo sa harapan ni Yahweh ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak; nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.
20 Yahweh, tingnan mo kung sino ang iyong pinaparusahan.
Matuwid bang kainin ng mga babae ang kanilang supling, na sa kanila rin naman nanggaling?
O dapat bang patayin sa templo ang pari at ang propeta?
21 Naghambalang sa mga lansangan ang patay, bata't matanda, dalaga't binata.
Nilipol mo sila nang araw na ikaw ay magalit; walang awa mo silang pinatay.
22 Aking mga kalaban iyong inanyayahan; tuwang-tuwa sila na para bang nasa pistahan.
Kaya ang mga anak kong inaruga sa mga kaaway ko'y pinapuksa,
dahil sa araw na iyon galit mo'y matindi.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.