Panaghoy 1
Magandang Balita Biblia
Ang Pagdadalamhati ng Jerusalem
1 O(A) anong lungkot ng lunsod na dating matao!
Siya na dating bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo;
siya na dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod!
2 Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan;
lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.
Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na.
3 Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod.
Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga.
Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.
4 Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan.
Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,
pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya!
5 Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,
pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan.
Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.
6 Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.
Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;
nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.
7 Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.
Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;
nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.
8 Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.
Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan,
sa isang sulok nanaghoy na lamang.
9 Ang kanyang karumhan ay di maikakaila,
malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya.
Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh.
10 Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan;
ang mga di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan,
ang banal na Templo'y kanilang nilapastangan.
11 Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain;
ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay.
“Yahweh, masdan po ninyo kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!”
12 “Wala ba kayong pakialam, mga nagdaraan?
Hirap na ganito'y inyo na bang naranasan?
Ito'y parusa ni Yahweh dahil sa kanyang matinding poot.
13 “Nagpababa siya ng apoy mula sa itaas; nanuot ito sa aking mga buto;
sa nilagay na bitag, doon ako'y nahulog,
isang matinding hirap sa aki'y pinalasap.
14 “Inipon niya ang lahat kong pagkakasala at ito'y ipinapasan sa akin;
dahil sa bigat nito'y unti-unting nauubos ang aking lakas.
Ako'y ibinigay ni Yahweh sa aking mga kalaban at aking sarili'y hindi ko man lang matulungan.
15 “Tinawanan lang ni Yahweh ang magigiting kong kawal.
Nagpadala siya ng isang hukbo upang lipulin ang mga kabataang lalaki.
Dinurog niya ang buong bayan, parang ubas sa pisaan.
16 “Dahil dito, hindi mapigil ang pagdaloy ng aking luha,
walang makaaliw sa akin ni makapagpalakas ng aking loob.
Nagtagumpay ang aking kalaban, kawawang mga anak, iniwan silang wasak.
17 “Ako'y nagpasaklolo ngunit walang tumulong sa akin,
inatasan ni Yahweh ang mga karatig-bansa upang ako'y gawing isang kawawa,
kaya ako'y nagmistulang maruming basahan.
18 “Nasa panig ng katuwiran si Yahweh, ako ang naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit makinig kayo, mga bansa, at tingnan ninyo ang aking paghihirap;
binihag ang aking kadalagahan at kabinataan.
19 “Tinawag ko ang aking mga kakampi ngunit hindi nila ako tinulungan;
namatay ang aking mga pari at mga pinuno ng lunsod,
sa paghahanap ng pagkaing magpapanumbalik ng kanilang lakas.
20 “Masdan mo ako, O Yahweh, sapagkat labis akong nababagabag.
Naliligalig ang aking kaluluwa, ako'y lubhang naguguluhan, sapagkat naging mapaghimagsik ako.
Kabi-kabila ang patayan, sa loob at labas ng kabahayan.
21 “Pakinggan mo ang aking daing; walang umaaliw sa akin.
Natuwa pa nga ang mga kaaway ko sa ginawa mo sa akin.
Madaliin mo ang araw na iyong ipinangako, na sila'y magiging gaya ko rin.
22 “Hatulan mo sila sa kanilang kasamaan; pahirapan mo sila,
tulad ng pagpapahirap mo sa akin dahil sa aking mga pagsalangsang;
napapahimutok ako sa tindi ng hirap at para akong kandilang nauupos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.