Add parallel Print Page Options

Napakalungkot na sa Jerusalem na dati ay puno ng mga tao. Ang kilalang-kilala noon sa buong mundo, ngayoʼy tulad ng isang biyuda. Kung dati ay reyna siya ng lahat ng lungsod, ngayoʼy isang alipin ang kanyang katulad. Buong pait siyang umiiyak magdamag. Mga luha niyaʼy dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Walang dumamay sa kanya, isa man sa kanyang mga minamahal.[a] Pinagtaksilan siya ng lahat ng kaibigan niya, na ngayoʼy kanyang kaaway. Lubhang pinahirapan ang Juda at ang mga mamamayan niyaʼy binihag. Doon na sila nakatira sa ibang bansa kung saan hindi sila makapagpahinga. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway hanggang hindi na sila makatakas.

Ang mga daan patungo sa Jerusalem[b] ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga takdang pista. Sa mga pintuang bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem. Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng Panginoon ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway. Ang kagandahan ng Jerusalem ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila. Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang yaman. Nang mahulog siya sa kamay ng mga kaaway niya, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng mga kaaway niya.

Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan.[c] Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod. Nahayag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon tingnan nʼyo po ang aking paghihirap, dahil tinalo ako ng aking mga kaaway.”

10 Kinuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan niya. Sa temploʼy nakita niyang pumapasok ang mga taong hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok doon. 11 Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan nʼyo ako dahil akoʼy nasa kahihiyan.” 12 Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin. 13 Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa at nahuli ako. Iniwanan niya akong nanghihina buong araw. 14 Inipon niya ang lahat ng aking mga kasalanan at inilagay sa aking batok bilang pamatok. At ito ang nagdala sa akin sa pagkabihag. Pinanghina ako ng Panginoon at ibinigay sa kamay ng mga kaaway na hindi ko kayang labanan. 15 Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan[d] ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan. 16 Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

17 Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nilang napakarumi ng Jerusalem sa paningin nila.

18 Sinabi ng Jerusalem, “Matuwid ang Panginoon, pero hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay binihag. 19 Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi pero pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.

20 Panginoon, masdan nʼyo po ang aking kagipitan! Nababagabag at parang pinipiga ang puso ko, dahil naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng bahay ko. 21 Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako nʼyong pagpaparusa sa kanila, para maging katulad ko rin sila. 22 Masdan nʼyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”

Footnotes

  1. 1:2 kanyang mga minamahal: Ang ibig sabihin, kanyang mga kakampi.
  2. 1:4 Jerusalem: sa Hebreo, Zion.
  3. 1:8 kanyang kahihiyan: sa literal, kanyang kahubaran.
  4. 1:15 Ang mga mamamayan: sa Hebreo, Ang birhen na anak na babae.