Add parallel Print Page Options

Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, at nakita ko ang isang bituing nahulog sa lupa mula sa langit. Ibinigay sa bituin ang susi ng hukay ng walang hangganang kalaliman. Binuksan (A) niya ang hukay ng kalaliman, at mula roon lumabas ang usok na parang usok ng isang malaking pugon. Nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. At (B) mula sa usok ay lumabas sa lupa ang mga balang, at binigyan sila ng kapangyarihan gaya ng sa mga alakdan ng lupa. Sinabihan (C) sila na huwag pinsalain ang damo ng lupa o anumang luntiang halaman o punongkahoy, kundi ang mga tao lang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo. Sila'y pinayagang pahirapan ang mga taong ito sa loob ng limang buwan, ngunit hindi sila pinayagang patayin ang mga ito. Ang pagpapahirap nila ay tulad ng pagpapahirap ng isang alakdan kapag kumagat ito sa tao. Sa (D) mga araw na iyon, nanaisin ng mga tao ang mamatay, subalit hinding-hindi ito mangyayari sa kanila. Maghahangad silang mamatay, ngunit lalayuan sila ng kamatayan.

(E) Tulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan ang anyo ng mga balang. May tila mga koronang ginto sa kanilang mga ulo; ang mukha naman nila ay parang sa mga tao. (F) Ang buhok nila ay tulad ng sa mga babae, at ang kanilang ngipin ay tulad ng sa leon. (G) May mga kaliskis sila na parang baluting bakal, at ang ingay ng kanilang pakpak ay parang ingay ng napakaraming karwahe ng mga kabayong sumusugod sa labanan. 10 May mga buntot at panusok sila na tulad ng sa mga alakdan. Nasa mga buntot nila ang kapangyarihang puminsala sa mga tao nang limang buwan. 11 Mayroon silang hari, ang anghel ng walang hanggang kalaliman. Ang kanyang pangalan ay Abadon sa Hebreo, at Apolyon naman sa Griyego.

12 Lumipas na ang unang masaklap na pangyayari. Ngunit dalawa pang lagim ang darating.

13 Hinipan (H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harap ng Diyos, 14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may hawak ng trumpeta, “Pakawalan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel, na inihanda para sa takdang oras, araw, buwan, at taon, upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Dalawandaang milyon ang bilang ng mga hukbong nakasakay sa kabayo. Narinig ko ang kanilang bilang. 17 Sa (I) aking pangitain ay nakakita ako ng mga kabayo: na ang mga nakasakay ay may mga baluting kulay apoy, jacinto, at asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay tulad ng sa mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay may lumalabas na apoy, usok, at asupre. 18 Mula sa tatlong salot na ito, ikatlong bahagi ng sangkatauhan ang napatay sa pamamagitan ng apoy, usok, at asupreng lumalabas mula sa bibig nila. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang mga buntot nila ay parang mga ahas; may mga ulo ito, at sa pamamagitan ng mga ito'y nakapamiminsala sila.

20 Ang (J) natirang sangkatauhan na hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga likha ng kanilang mga kamay, at hindi rin tumigil sa pagsamba sa demonyo at sa mga diyus-diyosang yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy, na hindi naman nakakakita, nakaririnig ni nakakalakad. 21 At hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpaslang, o pangungulam, pakikiapid, ni sa kanilang pagnanakaw.