Pahayag 2
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso
2 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: 2 Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. 3 Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. 4 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. 5 Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. 6 Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[a] na kinasusuklaman ko rin.
7 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna
8 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:
“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: 9 Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.
11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Pergamum
12 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamum:
“Ito ang mensahe ng may hawak ng matalas na espada na dalawa ang talim: 13 Alam ko na kahit nakatira kayo sa lugar na hawak ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi riyan sa lugar ninyo na tirahan ni Satanas. 14 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga dios-diosan at sa pamamagitan ng paggawa ng sekswal na imoralidad. 15 At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.
17 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”
Ang Sulat para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:
“Ito ang mensahe ng Anak ng Dios, na ang mga mataʼy nagliliyab na parang apoy at ang mga paaʼy nagniningning na parang pinakintab na tanso: 19 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una. 20 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan ninyo lang na magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng sekswal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga dios-diosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya. 22 Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan. 23 Papatayin ko ang mga tagasunod niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.
24 “Pero ang iba sa inyo riyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin. 25 Ipagpatuloy na lang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko. 26-27 Sapagkat ang mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.[b] 28 At ibibigay ko rin sa kanila ang tala sa umaga.[c]
29 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®