Pahayag 15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Panghuling mga Salot
15 Isa pang kagila-gilalas na pangitain ang nakita ko sa langit. May pitong anghel doon na may dalang pito pang salot. Iyon ang panghuling mga salot na ipapadala ng Dios bilang parusa sa mga tao.
2 At nakita ko ang parang dagat na kasinglinaw ng kristal na may nagliliyab na apoy. Nakatayo roon ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa imahen nito. Hindi sila nagpatatak ng numero na simbolo ng pangalan ng halimaw na iyon. May hawak silang mga alpa na ibinigay sa kanila ng Dios. 3 Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Dios, na siya ring awit ng Tupa. Ito ang awit nila:
“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Hari kayo ng lahat ng bansa,
ang mga pamamaraan ninyo ay makatarungan at tama!
4 Sino ang hindi matatakot at hindi magpupuri sa inyo?
Kayo lang ang banal.
Lalapit at sasamba sa inyo ang mga tao sa lahat ng bansa,
sapagkat nakita na ng lahat ang matuwid ninyong gawa.”
5 Pagkatapos nito, nakita ko na bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang Kautusan. 6 At mula roon sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na puting-puti at may gintong pamigkis sa kanilang dibdib. 7 Ang isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng tig-iisang sisidlang ginto na puno ng mga parusa ng Dios na nabubuhay magpakailanman. 8 Napuno ng usok ang templo dahil sa kadakilaan at kapangyarihan ng Dios. At walang makakapasok doon hanggaʼt hindi pa natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®