Pahayag 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dalawang Halimaw
13 Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Dios.[a] 2 Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. 3 Nakita kong isa sa mga ulo ng halimaw ay parang pinatay, ngunit gumaling na ang matinding sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging tagasunod sila nito. 4 Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, “Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!”
5 Hinayaan ng Dios na magsalita ang halimaw ng kalapastanganan laban sa kanya at maghari sa loob ng 42 buwan. 6 Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Dios, laban sa pangalan ng Dios, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. 7 Hinayaan din ang halimaw na makipaglaban at talunin ang mga pinabanal[b] ng Dios. At binigyan din siya ng kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa mundo, anumang angkan, lahi, wika at bansa. 8 Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Tupang pinatay.
9 Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito. 10 Ang sinumang itinakdang dakpin ay dadakpin. At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada ay mamamatay sa espada. Kaya ang mga pinabanal ng Dios ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.
11 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12 Naglingkod siya sa unang halimaw at ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinilit niya ang lahat ng tao sa mundo na sumamba sa unang halimaw na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumawa ng kagila-gilalas na mga himala ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit. Ginawa niya ito upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14 At dahil sa mga himalang ito na ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15 Hinayaan ng Dios ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao – dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya – na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17 At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.
18 Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil simbolo ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®